April 13, 2026

Home FEATURES

#BalitaExclusives: Tigil-giyera, panawagan ng mamamayan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo

#BalitaExclusives: Tigil-giyera, panawagan ng mamamayan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo
Photo Courtesy: via MB

Sa gitna ng sigalot sa Middle East bunsod ng pambobomba ng Amerika at Israel sa Iran, muli na naman nitong ipinakita ang matagal nang pinatunayan ng kasaysayan. 

Sa bawat digmaang nangyayari sa pagi-pagitan ng panahon, karaniwang tao ang laging naiipit sa labanan ng mga makakapangyarihang bansa.  

Isa sa mga epekto ng giyerang ito sa Pilipinas ay ang pagsipa ng presyo ng langis dahil ang raw materials nito ay inaangkat mula sa Middle East. 

Dadaanan ng mga barkong naghahatid ng langis sa iba’t ibang lupalop ng mundo ang Strait of Hormuz na matatagpuan sa pagitan ng Oman at Iran, at umuugnay sa Persian Gulf, Gulf of Oman, at Arabian Sea.

Matatandaang nauna nang kumpirmahin kamakailan ni Department of Energy (DOE) Sec. Sharon Garin ang tungkol sa pagsipa ng presyo ng nasabing produkto.

Human-Interest

ALAMIN: Mga kadalasang dahilan ng aksidente sa daan at tips para sa kaligtasan sa pagbiyahe

"Ang presyo talaga, taas 'yan. I will not sugarcoat it. Sabihin mo na may oil na darating, tataas talaga dahil sa tensyon. The stress of the market will increase the price hanggang mag-stabilize 'yan. We need to expect that," anang kalihim.

Maki-Balita: ‘We need to expect that!' DOE, kinumpirma posibilidad na pagratsada ng presyo ng produktong petrolyo

Sa eksklusibong panayam ng Balita, natanong ang tinderang si “Aling Milagrosa” kaugnay sa epekto sa kaniyang pamilya ng krisis na ito.

“‘Yong apo ko kasi, hinahatid-sundo. Ngayon, dahil mataas ang presyo ng gasolina, nagba-bike na lang siya papuntang school. Kumbaga, gustuhin man naming gamitin ang motor, hindi na lang muna,” saad ni Aling Milagrosa.

Samantala, matumal na pasahero naman umano ang dulot nito para sa e-trike rider na si “Mang Nelson.”

Aniya, “Sa isang araw, limang beses lang.” 

Kaya naman hangad nila pareho na mawakasan na ang giyera. 

“Para sa akin,” wika ni Aling Milagrosa, “sana 'yong mga politiko sa bansa, tulungan din 'yong ibang bansa, 'yong sa Iran, para matigil 'yong giyera. Kasi 'pag hindi natigil 'yon, apektado ang Pilipinas.”

Sabi naman ni Mang Nelson, “Sana po tumigil na po ‘yan. Mahirap ang buhay ngayon, e. Mahal ang gasolina. Hindi tayo makakaikot.”

Batay sa inilabas na datos ng DOE, nakatakdang umabot sa ₱7.00 hanggang ₱13.00 ang presyo ng gasolina kada litro, ₱17.50 hanggang  ₱24.25 naman ang diesel habang ₱32.00 hanggang ₱38.50 ang kerosene.