Sa hindi pa rin natatapos na girian sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon ng Gitnang Silangan, nanindigan ang bansang Iran na tama na ang panahon upang makapili sila ng bago nilang supreme leader.
Ito ay matapos mapaulat ang marahas na pagkasawi ng dati nilang supreme leader na si Ayatollah Ali Khamenei, dahil sa pinakawalang joint airstrikes ng Estados Unidos at Israel sa Tehran, kabisera ng Iran noong Pebrero 28, 2026.
Bunsod nito, namatay rin ang ilang sibilyan at kaanak ni Khamenei, base sa kumpirmasyong inilatag ng state TV media ng Iran.
MAKI-BALITA: Kaanak ni Iranian supreme leader Ali Khamenei, nasawi sa airstrikes ng US, Israel-Balita
Dahil dito, bumukas ang pintuan kay Mojtaba Khamenei, bilang bagong supreme leader ng Iran.
Ngunit sino nga ba si Mojtaba Khamenei, ang bagong talagang supreme leader ng Iran?
Ayon sa mga ulat, si Mojtaba Khamenei ay ang ikalawa sa anim na anak ni dating Iran supreme leader Ayatollah Ali Khamenei.
Siya ay isinilang noong Setyembre 8, 1969, sa hilagang-silangang siyudad ng Mashhad, sa bansang Iran.
Noong tumungtong siya sa edad 17, pinasok ni Mojtaba ang military service sa gitna ng Iran-Iraq war.
Nang sumapit naman ang taong 1999, tumungo si Mojtaba sa Qom, isang banal na siyudad para sa “Shia theology,” upang maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.
Tanyag man ang kaniyang ama sa politika, kailanman ay hindi nakakuha ng pormal na posisyon sa pamahalan ng Iran si Mojtaba.
Sa kabila nito, minatahan pa rin siya sa loob ng halos dalawang dekada, na posibleng humalili sa kaniyang amang si Ali Khamenei.
Humarap din siya sa ilang kontrobersiya, kung saan binatikos ang kaniyang impluwensya sa naganap na pampanguluhang eleksyon sa Iran noong 2005.
Ayon sa natalong 2005 presidential candidate ng Iran na si Mehdi Karroubi, mayroon umanong direktang kaugnayan si Mojtaba upang mamanipula ang botohan at pumabor ito kay Mahmoud Ahmadinejad.
Matapos nito, mas lumala pa ang galit sa kaniya ng Iranians noong 2009, matapos maging maugong na naman ang kaniyang pangalan sa nasabing taon.
Ngunit hindi nito naapektuhan si Mojtaba, bagkus mas lumalim pa umano ang impluwensya nito bilang susunod na supreme leader ng Iran, kahit na tila “untested” pa ang kakayanan nitong pasukin ang politika.
Samantala, hanggang sa kasalukuyan, bago pa siya hirangin bilang bagong supreme leader ng Iran, nanatiling “low profile” ang naging buhay ni Mojtaba.
Gayumpaman, marami umano ang umaasang ipagpapatuloy ni Mojtaba ang mga nasimulan ng kaniyang ama na si ex-Iran Supreme Leader Ali Khamenei, na nanilbihan sa bansang Iran sa loob ng 37 taon mula noong 1989.
Vincent Gutierrez/BALITA