Kinokonsidera ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pag-aalok ng hanggang ₱10 milyong pabuya para sa impormasyong magtuturo sa ikakaaresto ni Atong Ang, na may kinakaharap na mga warrant of arrest kaugnay ng kaso ng nawawalang mga sabungero.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, pormal na iaanunsiyo ang reward ngayong Huwebes ng hapon, Enero 15, 2026, upang madagdagan ang pressure kay Ang na sumuko sa mga awtoridad.
“Mamaya may meeting kami at magbibigay na kami ng reward at mag-a-announce kami mamayang hapon para mabigyan ng pressure talaga na i-turn over na siya sa amin,” ani Remulla sa panayam sa radyo nitong Huwebes.
“Siguro ₱10 million puwede na iyon,” dagdag niya.
Sinabi ni Remulla na batay sa monitoring ng ahensiya, nasa Pilipinas pa si Ang at nakatuon ang paghahanap ng mga awtoridad sa Luzon area.
“Nandito pa siya kasi noong sabi nga ng abogado noong the day before ay kasama niya pa. Pumipirma ng mga papel bago lumabas yung mga warrant of arrest a few hours later. So ang tracking namin nandito pa rin siya,” aniya.
Itinuturing naman ng DILG na “armed and dangerous” si Ang, batay sa mga alegasyong sangkot siya sa pagpatay ng mahigit isang daang tao at sa dami ng umano’y bodyguard nito.
Ayon kay Remulla, handa ang mga awtoridad sakaling manlaban si Ang sa oras ng pag-aresto.
“We consider him armed and dangerous. Sabi ng abogado niya iresponsible daw ang pagsasabi ko noon. Paano ang trato mo sa pumatay ng lagpas isang daan tao, na inutos ang pagpapatay ng lagpas isang daan tao, na ang bodyguard niya ay lagpas dalawampu, kada minuto kung sa kahit saan siya pumunta?” ani Remulla.
“'Di ba armed and dangerous yung ganun? Kaya kami, lahat ng eventuality pinaghahandaan namin na kung lalaban siya, hindi namin papalagpasin,” dagdag niya.
Si Ang ay kabilang sa 18 akusadong may warrant of arrest kaugnay ng pagkawala ng mga sabungero. Ayon sa Philippine National Police (PNP), nahaharap siya sa 15 bilang ng kidnapping at serious illegal detention at apat na bilang ng kidnapping with homicide. Nasa kustodiya na ng pulisya ang iba pang 17 akusado.
Nauna namang humiling ang abogado ni Ang na si Gabriel Villareal ng karagdagang panahon upang masuri ang mga akusasyon laban sa kanyang kliyente.