Nagbigay-paalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaugnay sa ipinatutupad na Expanded Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme.
Sa isang abiso nitong Lunes, Enero 5, 2026, magsisimula ang number coding ng 7:00 AM hanggang 10:00 AM at 5:00 PM hanggang 8:00 PM mula Lunes hanggang Biyernes, maliban tuwing holidays.
Sa ilalim ng Expanded UVVRP, bawal bumiyahe ang mga sasakyan sa mga lansangan ng Metro Manila batay sa huling digit ng license plates sa nasabing coding hours.
Lunes - 1 at 2
Martes - 3 at 4
Miyerkules - 5 at 6
Huwebes - 7 at 8
Biyernes - 9 at 0
Samantala, maaaring bumiyahe ang mga sasakyan na sakop ng coding sa window hours: sa pagitan ng 10:01 AM at 4:59 PM; at mula 8:01 PM hanggang 6:59 AM sa susunod na araw.
Exempted naman sa coding ang mga sumusunod: pampublikong sasakyan, transport network vehicles services (TNVS), motorsiklo, truck ng basura, marked government vehicle, truck ng petrolyo, marked vehicle ng media, truck ng bumbero, ambulansya, at sasakyang may dalang mga perishable at/o essential goods.