Nahanap na ang nawawalang bride-to-be na si Sherra De Juan ngayong araw ng Lunes, Disyembre 29, ayon sa ulat ng Quezon City Police District Police (QCPD).
Batay sa QCPD, naispatan umano si De Juan sa isang partikular na lalawigan sa Ilocos Region.
Sa ibinahaging video ng News 5 mula rin sa QCPD, makikitang isinasalaysay ni Sherra ang mga lugar na kaniyang nilakaran habang may itinuturo sa isang mapa.
Sa panayam naman ng ABS-CBN News sa kapatid ni Sherra na si Darwin De Juan, sinabi niyang malaking ginhawa para sa kanilang pamilya ang ligtas na pagkakatagpo sa nakababatang kapatid.
Nabatid na nakausap ni Darwin at ng nobyo ni Sherra na si Mark Arjay ang bride-to-be matapos itong tumawag sa kaniyang cellphone bandang 8:00 ng umaga nito ring Lunes.
Sa nasabing tawag, ipinaalam umano ni Sherra ang kaniyang kalagayan at kinaroroonan, na naging daan upang agad na maaksiyunan ng mga awtoridad ang kaniyang paghahanap.
Wala raw sinabi ang kapatid kundi "Sorry" dahil sa mga nangyari.
"Sabi niya sa akin, 'Kuya, sorry, sorry. Sabi ko, huwag ka na mag-sorry ang importante kukunin ka namin," aniya.
Dagdag pa ni Darwin, isang motorcycle rider daw ang unang nakapansin kay Sherra na palakad-lakad at tila nalilito sa kaniyang kinaroroonan.
Ganito rin ang naging paliwanag ng ama ni Sherra na si Jose De Juan.
"Sa totoo lang po parang nabunutan po ako ng tinik. Sobrang saya po. Hindi po maipaliwanag,” saad ni Jose.
Dagdag pa niya, “Sabi niya, 'Sorry, sorry talaga.' Sabi ko sa kaniya, 'Anak, wag kang mag-sorry. Ang mahalaga nakita at nakabalik ka dito."
Ang naturang rider daw ang tumulong sa kaniya at nakipag-ugnayan sa mga kinauukulan hanggang sa tuluyang marespondehan ang sitwasyon.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang mga pangyayari upang matukoy ang mga dahilan sa likod ng pagkawala ni Sherra at masiguro ang kaniyang kaligtasan at kapakanan.
Pumukaw ng atensyon sa social media ang panawagan tungkol sa pagkawala ni Sherra na nakatakda na sanang ikasal noong Disyembre 14.
Kaugnay na Balita: #BalitaExclusives: Babaeng ikakasal na sana, ilang araw nang nawawala; fiancé, umapela ng tulong