Masagana ang Pasko ng isang parokyano ng lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ito'y matapos na ang kanyang lotto ticket na nabili sa Rizal ay palaring magwagi ng mahigit ₱49.1 milyong jackpot sa Lotto 6/42 na binola ng PCSO nitong Martes ng gabi, Disyembre 16.
Sa abiso ng PCSO, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky winner ang winning combination ng Lotto 6/42 na 15 -19 - 24 -41 -42 -05 kaya' naiuwi nito ang katumbas na jackpot prize na ₱49,195,100.40.
Nabili umano ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa lotto outlet sa Sumulong Highway, sa Antipolo City.
Upang makubra ang kanyang premyo, pinayuhan ng PCSO ang lotto winner na magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang dalawang balidong IDs.
Nagpaalala rin ang PCSO na ang lahat ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa petsa nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kawanggawa.
Ang lahat naman ng premyong lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% tax, alinsunod sa TRAIN Law.
Samantala, nanawagan si PCSO General Manager Melquiades Robles sa publiko na patuloy na tangkilin ang mga palaro ng PCSO upang magkaroon na sila ng tiyansang maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa mga kababayan nating nangangailangan.
Ang Lotto 6/42 ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Sabado.