Itinuturing na ng Quezon City Police District (QCPD) bilang "person of interest" si Mark Arjay Reyes, ang fiancé ng nawawalang bride-to-be na si Sara "Sherra" De Juan, ilang araw bago sana ang kanilang nakatakdang kasal noong Linggo, Disyembre 14.
Matatandaang bumuo na ng special team ang QCPD para sa agarang pag-iimbestiga sa pagkawala ni De Juan, at hindi na rin nakasipot sa kasal sana nila ni Reyes.
Kaugnay na Balita: QCPD, bumuo ng special team para imbestigahan pagkawala ng bride-to-be sa QC
Ayon sa mga ulat, sumailalim na si Reyes sa halos pitong oras na masusing pagtatanong ng mga imbestigador kaugnay ng misteryosong pagkawala ng kaniyang bride-to-be.
Isa si Reyes sa mga taong malalapit kay De Juan na nagpo-post at nananawagang makabalik na sa kaniyang pamilya ang nawawalang kasintahan.
Ayon sa Philippine National Police (PNP) noong Martes, Disyembre 16, na iniimbestigahan nila ang lahat ng posibleng anggulo, kabilang na ang posibilidad ng foul play at iba pang pangyayari na maaaring may kinalaman sa pagkawala ng biktima.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP chief PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ibinibigay ng kapulisan ang lahat ng kinakailangang tulong upang matagpuan ang nawawalang bride-to-be, na habang isinusulat ang artikulong ito, ay wala pa ring lead kung nasaan na nga ba siya.
Dagdag pa ni Nartatez, walang isinasantabi ang mga imbestigador habang patuloy nilang tinutukoy kung ano ang tunay na nangyari kay De Juan.
Patuloy naman ang panawagan ng pulisya sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyong makatutulong sa agarang paglutas ng kaso at sa ligtas na pagbabalik ng nawawalang babae.
REAKSIYON NI MARK ARJAY REYES
Agad na nakipag-ugnayan ulit ang Balita kay Reyes upang alamin ang reaksiyon at kunin ang panig niya sa sinabing "person of interest" na rin siya sa pagkawala ng kaniyang bride-to-be.
Ang “person of interest” ay tumutukoy sa isang indibidwal na may mahalagang kaugnayan sa isang iniimbestigahang kaso, ngunit hindi itinuturing na suspek o inaakusahan ng krimen.
Maaari siyang may direktang ugnayan sa biktima o sa pangyayari, maaari siyang nakapanayam, iniimbestigahan, o minomonitor ng mga awtoridad, pero wala pang pormal na kaso o ebidensiyang nagsasaad na siya ang may sala. Ang pagtukoy bilang person of interest ay hindi katumbas ng pagkakasala.
Ayon naman sa abogadong si Atty. Mark Tolentino, sa panayam sa kaniya ng isang programa sa DZRH News Television noong 2017, ang person of interest ay iniimbitahan lamang upang makapangalap ng mga impormasyon, na gagamitin naman para sa imbestigasyon.
Ito raw ay imbitasyon lamang at hindi sapilitan.
Iba naman daw ito sa "suspek" na allegedly, siya ang gumawa ng krimen. May nakitaan daw kasing "probable cause," may dahilan, o hinala na siya ang nasa likod ng isang krimen. Kaya naman, maglalabas ng warrant of arrest laban sa kaniya ng korte para sa isasagawang pagtatanong.
Pero kapag ang suspek daw ay napatunayang may sala o convicted, ang itatawag na ay "perpetrator."
Kaya naman, sa eksklusibong panayam ng Balita kay Reyes kung anong saloobin niya tungkol sa pagiging person of interest, sinabi niyang ayos lamang daw ito sa kaniya, para gumulong na ang imbestigasyon para sa pagkawala ng mapapangasawa niya.
"Okay lang po sakin. Basta gumulong ang imbestigasyon at masiguro 'young agarang paghahanap po kay Mahal," aniya.
Nagbigay rin siya ng reaksiyon sa mga lumulutang na espekulasyong baka isang kaso ng "runaway bride" ang nangyari.
"Si Lord na lang po ang bahala sa kanila,” ani Mark kaugnay ng mga espekulasyon.
"Kaming pamilya po ang mas nakakaalam ng nangyayari."
"Siya ang pinaka-excited sa aming lahat," aniya pa, kaya hindi raw magagawa ng kasintahan na takbuhan ang kanilang kasal.
Kaugnay na Balita: #BalitaExclusives: Groom-to-be ng nawawalang babae sa QC, ’di naniniwalang 'runaway bride' ang fiancée
Habang patuloy ang imbestigasyon at paghahanap, umaasa ang pamilya at mga mahal sa buhay ni Sherra na madiskubre ang katotohanan at mabigyan ng linaw ang kanyang biglaang pagkawala, sa halip na manaig ang mga haka-haka sa social media.
Maaaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod na numero:
0967-1270-266
0917-8368-166
0912-3353-694
Maaari ding makipag-ugnayan sa social media account ni Mark kung sakaling may lead kay Sherra.
Kaugnay na Balita: #BalitaExclusives: Babaeng ikakasal na sana, ilang araw nang nawawala; fiancé, umapela ng tulong