Ikinabahala ng isang Catholic bishop ang ginawa ni Sen. Imee Marcos na pagpaparatang sa sariling kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos Jr. na gumagamit umano ng ilegal na droga.
Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos, bagamat may lehitimong karapatan ang publiko na maimpormahan hinggil sa kalusugan at kapasidad ng mga lider, partikular na ang pangulo, ang pag-aakusa aniya sa isang kapamilya sa harapan ng publiko, nang walang due process, walang malinaw na ebidensiya at sa labas ng proper forum, ay sumisira sa dignidad ng lahat ng sangkot.
“Yes, the public has a legitimate right to be informed about the health and capacity of its leaders, especially the President. But publicly accusing a family member—without due process, without clear evidence, and outside the proper forum—undermines not only these values but also the dignity of all involved,” anang obispo.
Hinimok din ng obispo ang publiko, lalo na ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan, na magsagawa ng pagninilay kaugnay sa moralidad at "tamang asal."
Aniya, ang transparency sa pamamahala ay haligi ng demokrasya, ngunit dapat ding isaalang-alang kung ito ba ang tamang paraan, lugar at panahon.
Kinuwestiyon din ni Santos kung ang ginawa ba ng senadora ay tunay na aksiyon ng pagmamahal at pagmamalasakit sa isang kapatid. Aniya, “If this were truly an act of love and concern for a sibling and for the Filipino people, why only now—and why in such a manner?”
Iginiit ni Santos na ang tamang paraan ng pagtatama sa pagkakamali ng isang tao, lalo na kung ito ay iyong kapatid, ay dapat na pribado, may malasakit at pag-iingat.
Tinukoy pa niya ang katuruan ng Ebanghelyo sa pagtatama ng landas na, “Now if your brother sins, correct him first in private…” (Matthew 18:15).
Binigyang-diin ng obispo na ang publikong paratang ay dapat na huling opsyon lamang, lalo na kung ito ay nagiging isang palabas na lamang, sa halip na taos-pusong panawagan tungo sa pagbabago.
Mungkahi pa ng obispo, higit sa politika, kailangan ng isang moral na pagninilay para sa bansa, kung saan binigyang-diin niya ang tatlong hakbang, na kinabibilangan ng "makonsensiya," "magpatawad," at "magbago."
Ipinaliwanag ni Santos na dapat makonsensiya at harapin ang katotohanan nang tapat sa Diyos, sa sarili, at sa publiko. “What is my intention? What truth must I face? What healing must I seek? Conscience is the quiet voice of God within us. It must guide our words, our actions, and our silence.”
Dagdag niya, kailangan ding magpatawad dahil ang pagpapatawad ay hindi paglimot kundi pagpili ng pagmamahal sa halip na sama ng loob. Kung may sugat na naidulot, dapat magpakita ng awa. Aniya, “Forgiveness is not weakness—it is the beginning of healing.”
Hinikayat din niya ang lahat na gamitin ang pagkakataon upang magbago at pagbutihin ang sarili.
“If there is truth in the accusation, then let this be the beginning of conversion. Seek help. Seek healing. Seek holiness,” aniya.
Pagdidiin pa ni Bishop Santos, higit na kinakailangan ng bansa ang karapat-dapat na pinuno na may kakayahan at moralidad.
“This is not just a political moment—it is a moral one. The Filipino people are watching. The youth are listening. What kind of example are we setting?”
Hinikayat din niya ang lahat na piliin ang landas ng konsensya, pagpapatawad, at pagbabago, upang makabuo ng lipunang may tinig ng katotohanan nang may pagmamahal at namumuhay ng pagmamahal nang may katotohanan.