Iginiit ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque ang tila huling habilin umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bago raw siya pumanaw.
Sa kaniyang Facebook live nitong Miyerkules, Setyembre 24, 2025, sinabi ni Roque na gusto umanong makauwi ni dating Pangulong Duterte sa kaniyang bahay sa Davao City bilang kaniya umanong huling kahilingan.
“Ang gusto ni Tatay Digong maski five minutes bago siya pumunta sa Panginoon, eh makabalik doon sa kaniyang kuwarto sa bahay kalapati sa Davao at doon mamatay!” saad ni Roque.
Dagdag pa niya, “‘Yon lang ang gusto n’ya mamatay sa sarili niyang bayan, dahil siya’s 80 naman. ‘Wag na tayong magpaligoy-ligoy dito, naghuling habilin na si tatay Digong. Handa na siya.”
Iginiit din ni Roque na ibinihagi na rin daw ng dating asawa ni dating Pangulong Duterte na si Elizabeth Zimmerman na tanggap na umano ni Duterte ang kaniya raw magiging kapalaran.
“At kahapon nga, sabi ni Ma’am Elizabeth, mayroon na siyang acceptance ang kaparalan n’ya,” ani Roque.
Matatandaang nananatili sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Duterte matapos siyang maaresto noong Marso 2025 dahil sa kasong crimes against humanity.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Habang noong Setyembre 22 nang tuluyang magbaba ng desisyon ang ICC na maghain ng 3 counts of murder laban sa dating Pangulo.
"Duterte is individually criminally responsible pursuant to article 25(3)(a_ of the Rome Statute for the crimes charged in Counts 1 to 3 as he committed them as an indirect co-perpetrator," mababasa sa dokumento ng ICC.
KAUGNAY NA BALITA: ICC Prosecutors, sinampahan na si FPRRD ng 3 counts of murder