Naglahad ng pahayag si Senator Alan Peter Cayetano kaugnay sa halaga ng repentance sa gitna ng isyu ng korupsiyon sa Pilipinas.
Sa Facebook live ni Cayetano nitong Linggo, Setyembre 14, sinabi niyang lahat umano ng tao ay guilty mula sa pagbili ng boto, pandaraya, pagnanakaw, at pagsisinungaling.
“As a people—hindi ako nagpi-finger point—we’re all guilty from vote buying to cheating; to stealing; to lying. [...] Importante, repentance. Wala po talagang pagbabago ‘pag walang repentance,” saad ni Cayetano.
Dagdag pa niya, “Walang mawawala, walang masama…’pag ang leaders natin ay humingi ng pasensya at nagsabing ‘Nagkamali kami, Lord.’”
Kasalukuyang humaharap ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa anomalya sa likod ng flood control projects.
Matatandaang batay sa isiniwalat ng dating kalihim nitong si Sec. Manuel Bonoan, ghost projects umano ang ilan sa flood control na ipinagkaloob sa Wawao Builders, Inc sa Bulacan.
Maki-Balita: DPWH Sec. Bonoan, inaming 'ghost projects' ilan sa flood-control projects ng Wawao Builders!
Samantala, may ilang senador at kongresista ring nadawit sa nasabing isyu dahil naambunan umano ng porsiyento mula sa proyekto ng contractor na tulad ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya.
Maki-Balita: Engr. Brice Hernandez, ikinanta koneksyon nina Villanueva, Jinggoy sa anomalya ng flood control projects
Maki-Balita: KILALANIN: Mga politiko at gov't officials na nanghingi umano ng 10-25% share sa proyekto ng mga Discaya