Pinangalanan na ni dating Bulacan assistant district engineer Brice Hernandez ang mga senador na sangkot umano sa maanomalyang flood control projects.
Sa ginanap na pagdinig ng House Infrastructure Committee nitong Martes, Setyembre 9, sinabi ni Hernandez na naging bagman umano siya kina Senador Joel Villanueva at Senador Jinggoy Estrada.
“Tama si Senador [Ping] Lacson, ang mga engineer ng DPWH ay tila naging legman o bagman na lang,” saad ni Hernandez. “Kung tatanungin n’yo kung sino o kanino kami naging bagman, sasagutin ko na po ngayon…Si Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, Usec. Robert Bernardo at district engineer [Henry] Alcantara.”
Ayon kay Hernandez, pumalo sa ₱355 milyon ang halagang natanggap ni Estrada sa proyekto habang ₱600 milyon naman ang kay Villanueva. Kapuwa nasa 30% umano ang “SOP” ng dalawang senador.
Matatandaang ipina-contempt si Hernandez sa Senate Blue Ribbon Committee noong Lunes, Setyembre 9, dahil sa umano’y inconsistencies ng kaniyang mga pahayag.
Samantala, itinanggi ni Estrada ang akusasyon ni Hernandez na sangkot siya sa maanomalyang flood control projects.
"I categorically and vehemently deny the claims made by Brice Hernandez," ani Estrada.
"I challenge him. LET US TAKE A LIE DETECTOR TEST before the public para malaman ng lahat kung sino ang nagsasabi ng totoo. Talk is cheap—handa akong patunayan na pawang mga kasinungalingan ang sinasabi niya tungkol sa akin," giit pa ng senador.
Habang isinusulat ito, wala pang pahayag si Villanueva.