“Ang sungit mo! May dalaw ka siguro ngayon.”
Para sa kababaihan, tila hindi lalagpas ang isang buwan nang hindi naririnig ang mga katagang ito dahil sa paniniwalang nagbabago-bago ang pag-uugali at kilos nila dahil sa pagdating ng kanilang buwanang “bisita.”
Malamang ay relatable para sa maraming babae ang pagkakaroon ng mga araw kung saan pakiramdam niya’y kaya niyang gawin ang lahat dahil sa dami ng kaniyang enerhiya.
May ilang araw namang pakiramdam niya’y pinagsakluban siya ng langit at lupa kung kaya’t halos ayaw nang lumabas ng kwarto o bumangon man lang sa kama.
Bukod pa sa mga ito, may mga araw din namang kahit na maliliit na bagay o simpleng tunog mula sa paghinga ng ibang tao ay talagang nakakapagpintig ng tenga at nakakasira ng mood sa buong araw.
Ayon sa mga eksperto, totoong nakaaapekto sa pabago-bagong damdamin, pagiging masayahin man ito, malungkot, o iritable.
Dahil batay sa pag-aaral ng Everyday Health, ang estrogen, progesteron, cortisol, at serotonin levels ay bumababa o tumataas base sa phase na tatapatan nito sa hormonal cycle ng isang babae, at ang pagbabagong ito ay nagsisilbing konduktor ng emosyon.
Base pa sa pag-aaral na ito, sa menstrual phase ng isang babae, o ang phase kung saan nagsisimula ang unang araw ng tatlo hanggang limang araw na regla, mababa ang estrogen at progesterone levels nito, na female sex hormones na responsable sa regulasyon ng kabuoang menstrual cycle at reproductive development.
Kung kaya’t isa ang mood swings sa iniinda ng maraming babae sa mga panahong ito habang ang ilan ay nakakaramdam pa ng depresyon at pagkabalisa
Kasama rin dito ang madaling pagkapagod o fatigue, pananakit ng puson, ibabang bahagi ng likod, at bloating o paninikip ng tiyan.
Sa iba pang pag-aaral, may tinatawag na Premenstrual syndrome (PMS) na isang malawak na terminong tumutukoy sa mga senyales at sintomas ng nalalapit na regla.
Kabilang dito ang mga nabanggit na kalimitang iniinda ng kababaihan, at habang ito’y kadalasang nangyayari sa isang predictable pattern, ang mga pagbabagong nararamdaman rito ay iba-iba pa rin base sa indibidwal.
Ayon sa Cleveland Clinic, ilan sa risk factors ng pagkakaroon ng PMS ay ang history ng postpartum depression, family o personal history ng depression o anxiety disorders, at mataas na lebel ng stress.
Isa pa sa kondisyong iniuugnay sa pagbabago ng mood ng isang babae tuwing may dalaw o bago pa lamang ito dumating ay ang Premenstrual Dysphoric Disorder (PMDD), na itinuturing na “severe form” ng PMS dahil nangangailangan na ito ng agarang medikal na atensyon at treatment.
Habang hindi pa natutukoy ay nagdudulot nito, ayon sa Johns Hopkins Medicine, ito ay posibleng abnormal na reaksyon sa normal na hormonal changes.
Ilan pa sa mga “at-risk” para sa PMDD ay ang mga babaeng may family history ng PMS o PMDD, may family o personal history ng depression, postpartum depression, o iba pang mood disorders, at mga naninigarilyo.
Sa dagdag na pag-aaral ng Everyday Health, bukod sa atensyong medikal na itutuon kung ang mood swings ay nakaaapekto na sa pang araw-araw na buhay, mainam rin na “mood stabilizer” ang maayos na pagtulog, malusog at balanseng pagkain, at regular na ehersisyo dahil nakatutulong itong maibsan ang hinding komportableng pakiramdam.
Sean Antonio/BALITA