Kinumpirma ni House Spokesperson Atty. Princess Abante na kasalukuyan nang nasa labas ng bansa si Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co.
Sa kaniyang press briefing nitong Huwebes, Setyembre 4, 2025, inihayag ni Abante na nasa United States na raw si Co.
“I made an initial inquiry sa Office of the Secretary General. Sa pagkakaalam ko, he's currently out of the country,” anang House Spox,
Saad pa niya, lumipad patungong Amerika si Co para umano sa kaukulang medical treatment.
“I understand na sa United States siya for medical treatment with appropriate travel documents. Kung ano yung mga travel documents na 'yon, wala pa kong copy. So I still need to coordinate further with the Office of the Secretary General,” saad ni Abante.
Matatandaang naging matunog ang pangalan ni Co matapos pumutok ang isyu ng anomalya at korapsyon sa flood control project kung saan sinasabing sangkot siya sa isa sa mga kontraktor na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Maging ang pamangkin niyang si Claudine Co—na anak ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Christopher Co—ay naging sentro din ng kontrobersiya matapos mapuna ang maluho nitong pamumuhay sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Basahin: Kilalanin: Sino nga ba ang pinag-uusapang si Claudine Co?
Si Co ay dating chairman ng House Committee on Appropriations na kalaunan ay nagbitiw sa posisyon dahil sa kalagayan umano ng kaniyang kalusugan.
Maki-Balita: Rep. Zaldy Co, nagbitiw bilang chairman ng House Committee on Appropriations