Nagpahayag ng pagsuporta si Sen. Erwin Tulfo sa iminumungkahing pagkakaroon ng Independent People’s Committee para sa imbestigasyon ng flood control project.
Sa kaniyang pahayag nitong Linggo, Agosto 31, 2025, iginiit niyang mainam daw kung bubuuuin ng iba’t ibang sektor ang nasabing komite.
“I think that that is the right thing to do—an independent group composed of the church, academe, youth representatives, retired justices, and other sectors that should be part of it,” ani Tulfo.
Saad pa niya, hindi raw mawawala ang pag-aalinlangan ng taumbayan kung sa kamay pa rin daw ng Senado at Kamara babagsak ang imbestigasyon ng nasabing proyekto.
“The doubts of our people will never go away if Congress and the Senate handle the investigation, since some lawmakers themselves are being linked to this anomaly,” anang senador.
Matatandaang kamakailan lang nang imungkahi ni Sen. Vicente “Tito” Sotto III ng isang Independent People’s Commission para sa pag-iimbestiga ng mga umano’y flood control project.
Samantala, mariing namang inalmahan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta ang nasabing inisyatibo kung saan nauna na niyang supalpalin ang naging pagsuporta rito ni Sen. Kiko Pangilinan.
“Ang pagkakaintindi ko d’yan, iniinsulto niya ako. Ako naman, ayaw kong iniinsulto ako. Kaya kung gusto niya akong palitan, magpresenta siya at pakita niya na mas marunong siyang gumawa ng mandatong itinalaga sa committee na ‘yan,” ani Marcoleta sa hiwalay na pahayag sa isang TV program.
KAUGNAY NA BALITA: Marcoleta, umalma sa pagpabor ni Pangilinan sa ‘independent flood control probe:’ 'Iniinsulto n’ya ako!'
Sa Lunes, Setyembre 1, inaasahang magpapatuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee para sa imbestigasyon ng flood control project kung saan vice chairman si Tulfo.