Nagbigay ng pahayag si Senator Imee Marcos kaugnay sa pagsalakay ng Amerika sa tatlong nuclear sites ng Iran kabilang na ang Fordow, Natanz, at Isfahan.
MAKI-BALITA: US, inatake 3 nuclear sites ng Iran —Trump
Sa latest Facebook post ni Sen. Imee nitong Linggo, Hunyo 22, sinabi niyang nakakabahala umano ang pangingialam ng Amerika sa hidwaan ng Israel at Iran dahil mas nakakadagdag umano ito ng pandaigdigang peligro.
Aniya, “Labis ang pag-aalala nating lahat para sa kaligtasan ng ating mga kababayang naiipit sa digmaan. Isa pang epekto nito ay sa langis, na siguradong may mabigat na implikasyon sa ekonomiya ng bansa; sa agrikultura, transportasyon, pabrika, pagawaan at iba pa.”
“Gaya ng lagi kong paninindigan, KAPAYAPAAN higit sa lahat. Magsilbi nawa itong panawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), Philippine Overseas Labor Offices (POLO) na gawing prayoridad ang kaligtasan ng bawat Pilipino roon,” dugtong pa ng senadora.
Kumakatok din umano si Sen. Imee sa pamahalaan para sa isang matibay at plano sa problema ng langis at magiging kabuhayan ng mga magbabalik-bayan.
Matatandaang umugong ang posibilidad na tumaas ang pamasahe sa mga pampublikong transportasyon kasunod ng pagsipa ng presyo ng gasolina at petrolyo dahil sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.
KAUGNAY NA BALITA: Halos ₱5 dagdag-singil sa petrolyo, sisipa sa susunod na linggo