Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang mahigit ₱5 milyong halaga ng "party drugs" na nakadeklara bilang pet food sa Port of Clark sa Pampanga.
Ayon sa BOC nitong Lunes, Hunyo 16, nasamsam ng awtoridad ang 3,004 piraso ng ecstasy tables, na kilala rin sa tawag na "party drugs," na nagkakahalagang ₱5126,350.00.
Ang naturang party drugs ay mula pa sa Paris, France at nakatakdang ideliver sa Taguig City.
Dagdag pa ng BOC, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) tungkol sa papasok na kargamento na dumating noong Hunyo 4.
Agad na nagsagawa ng K-9 sniff test ang BOC at operatiba ng PDEA na nagresulta sa pagkakasamsam ng party drugs.
Nakatago ang mga ecstasy tablet sa apat na transparent na pouch na nakalagay sa loob ng dog food pellets.
Samantala, isinumite ang mga sample sa PDEA para sa chemical analysis at nakumpirmang ito ay Methylenedioxymethamphetamine (MDMA), isang dangerous drug na nakatala sa ilalim ng Republic Act No. 9165.
Nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention ang BOC laban sa shipment dahil sa paglabag sa Section 118(g), Section 119(d), at Section 1113 paragraph (f), (i), at (l) ng Republic Act No. 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng R.A. No. 9165.