Iginiit ni Vice President Sara Duterte na wala raw siyang nakikitang problema sa mga nagpapakalat ng mga Artificial Intelligence (AI) generated video na nagpapahayag ng pagsuporta sa mga personalidad.
Sa kaniyang press briefing nitong Lunes, Hunto 16, 2025, nilinaw ng Pangalawang Pangulo na wala umanong masama sa paggawa ng mga AI Videos bilang porma ng pagsuporta.
“If gagawa ako ng AI to support a certain personality, walang problema doon kasi hindi ko naman siya ginagawang negosyo, hindi ko naman siya binebenta sa mga tao,” anang Pangalawang Pangulo.
Iyan ang naging tugon ni VP Sara matapos maging usap-usapan sa social media ang pagshe-share ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa patungkol sa isang AI video na naglalaman ng umano’y panayam ng media sa mga estudyante na hindi raw pabor sa impeachment ni VP Sara.
“Mabuti pa ang mga bata nakakaintindi sa mga pangyayari. Makinig kayo mga yellow at mga komunista!” ani Dela Rosa sa caption.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, ‘kumagat sa AI video’ ng mga estudyanteng ayaw sa impeachment ni VP Sara
Hinggil naman pa rin sa isyu ng mga AI videos, binengga ng Palasyo si Dela Rosa dahil sa tahasan niyang pagpapakalat ng fake news bilang isang mataas na opisyal ng gobyerno.
“Ang pagshe-share ng katulad ng ganiyan—muli, disinformation, fake news, hindi po sana nanggagaling sa mga opisyal ng pamahalaan,” ani Palace Press Undersecretary Claire Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, binoldyak si Sen. Bato dahil sa AI-generated video: ‘Nakakawalang tiwala!’