Tinalakan ni Palace Press Undersecretary Claire Castro si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa matapos ang pag-share niya ng isang Artificial Intelligence (AI) generated video laban sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Sa kaniyang press briefing nitong Lunes, Hunyo 16, 2025, diretsahang iginiit ni Castro na nakakawalang tiwala umano na sa mataas na opisyal pa raw ng gobyerno nagmumula ang pagpapakalat ng fake news.
“Ang pagshe-share ng katulad ng ganiyan—muli, disinformation, fake news, hindi po sana nanggagaling sa mga opisyal ng pamahalaan. Nakakaduda, mas nakakawala ng tiwala kung mismo sa matataas na opisyal nanggagaling ang disinformation at fake news,” ani Castro.
Pinuri naman ni Castro ang netizens na siyang naunang pumutakti sa comment section ng naturang shared post ni Dela Rosa noong Linggo, Hunyo 15.
“At mabuti po at ito ay nai-correct at napansin po ng ating mga kababayan,” saad ni Castro.
Mababasa sa caption ni Dela Rosa noong Linggo, Hunyo 15, ang pagpuri pa niya sa mga estudyanteng nakakaintindi raw ng pangyayari.
“Mabuti pa ang mga bata nakakaintindi sa mga pangyayari. Makinig kayo mga yellow at mga komunista!” ani Dela Rosa
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, ‘kumagat sa AI video’ ng mga estudyanteng ayaw sa impeachment ni VP Sara
Samantala, sa hiwalay na pahayag nitong Lunes din, dumipensa si Dela Rosa na wala raw siyang pakialam kung AI ang nasabing video dahil mas pinagtuunan daw niya ng pansin ang mensahe nito.
“I don’t care if this post is AI generated or Manobo generated because I am not after the messenger, I am after the message so, please don’t shoot the messenger without reading the message that he delivers,” anang senador.