June 16, 2025

Home BALITA

Pinoy sa Israel, kritikal kondisyon dahil sa missile ng Iran

Pinoy sa Israel, kritikal kondisyon dahil sa missile ng Iran
via AP News

Kinumpirma ni Philippine Ambassador to Israel Aileen Mendiola na isang Pinoy sa Isrrael ang nanatiling kritikal ang kondisyon matapos ang sunod-sunod na pambobomba ng Iran.

Sa panayam ng DZMM kay Mendiola nitong Lunes, Hunyo 16, 2025, patuloy na binabantayan ng embahada ng Pilipinas sa Israel ang lagay ng naturang Pinoy.

"Yung worry lang ho namin, isang particular na kaso po, yung isang kababayan natin na critical ang sitwasyon. Ito ho medyo binabantayan natin, titingnan ho natin kung makalagpas siya ng araw na ito, medyo may chance na po na maipasok siya sa surgery," saad ni Mendiola.

Dagdag pa niya, walong Pilipino ang kinakailangan ng atensyong medikal bunsod ng pag-atake ng missile ng Iran sa Israel, habang anim naman sa kanila ang na-discharge na sa ospital.

Romualdez, kinondena tensyon sa Middle East; seguridad ng mga Pinoy, pinatututukan

Nasa 24 Overseas Filipino Worker (OFW) na ang nagpahayag ng interes na makabalik ng bansa ngunit tanging 13 palang daw ang buo ang desisyon umuwi ng Pinas.

Tinatayang nasa 30,000 Pinoy ang nasa Israel para magtrabaho na karamihan ay caregivers, hotel industry workers at engineers.

"Nakikipag-ugnayan po kaming masinsinan sa mga embassies natin sa Amman at saka Cairo...Hindi puwedeng bigla-biglaan mag repatriate. Ang consideration namin, yung saferty pa rin ng mga kababayan natin, kung yung ruta ay safe," ani Mendiola.

Matatandaang kamakailan lang nang mapaulat ang muling pagpapalitan ng missile attacks ng Israel at Iran laban sa isa't isa, bunsod pa rin ng deka-dekadang hidwaan sa pagitan ng nasabing mga bansa.