June 15, 2025

Home BALITA

VP Sara nanindigang ‘magpinsan’ sina Usec. Castro at Rep. Castro

VP Sara nanindigang ‘magpinsan’ sina Usec. Castro at Rep. Castro
Photo courtesy: file photo

Bumwelta si Vice President Sara Duterte sa naging pahayag ni Palace Press Undersecretary Claire Castro hinggil umano’y naggagamitan lang sila ni Sen. Imee Marcos sa nakaambang “Sara-Imee” sa 2028 Elections.

Sa panayam ng media kay VP Sara noong Sabado, Hunyo 14, 2025, iginiit niyang wala na raw magandang lalabas sa bibig ni Usec. Castro dahil pinsan daw siya ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, na kilalang kritiko ng gobyerno.

“Si Claire Castro na naman ba ito? ‘Di ba sinabi ko na sa’yo, si Claire Castro, pinsan ni France Castro. ‘Pag Castro family, dalawa lang naman ‘yan sa pamilya na ‘yan. Claire Castro at France Castro, wala na talagang maganda at tama diyan na lalabas sa bibig nila,” ani VP Sara.

Dagdag pa niya, “Sabi ko nga, garbage in, garbage out pagdating diyan sa dalawang Castro na ‘yan.”

Internasyonal

ALAMIN: Saan puwedeng humingi ng tulong ang OFWs sa Iran, Israel?

Binigyang-diin ni VP Sara ang naturang pahayag bilang sagot aniya sa tugon ng Palasyo matapos umugong ang tambalang Sara-Imee sa pagka-Presidente at Bise Presidente sa 2028.

“Isang tao na manggagamit at isang tao na willing magpagamit,” saad ni Usec. Castro sa kaniyang press briefing noong Hunyo 13.

Samantala, matatandaang minsan nang nilinaw ni Usec. Castro na wala raw siyang kaugnayan kay Rep. Castro, taliwas sa umano’y kasinungalingang ipinapakalat ng Bise Presidente.

“Nilinaw ko na po 'yan minsan at alam n'yo po 'yan, ang patungkol sa nasabing relasyon namin ni Representative France Castro. Sinabi ko po na kami po ay hindi magkamag-anak, magkapareho lang po siguro ng surname,” ani Usec. Castro.

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, ‘di ikakahiya kung magkamag-anak sila ni France Castro: ‘Siya ay makatao!’