Inalala ni VP Sara ang naging investment ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang edukasyon, sa pagdiriwang ng Father’s Day nitong Linggo, Hunyo 15, 2025.
Sa panayam sa kaniya ng media, noong Sabado, Hunyo 14, nagpahayag ng pasasalamat si VP Sara sa natamo niyang edukasyon dahil sa ama.
“Kay dating Pangulong Duterte, nagpapasalamat ako sa kaniyang pagbibigay pahalaga sa akin at sa aking edukasyon. Napakalaki ng investment n’ya sa aking edukasyon at ibinabalik ko rin ang aking napakalaking pasasalamat kay dating Pangulong Rodrigo Duterte,” ani VP Sara.
Si dating Pangulong Duterte ay kasalakuyang nananatili sa detention center ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague matapos siyang maaaresto noong Marso 11 dahil sa kasong crimes against humanity.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Samantala, sa hiwalay na pahayag nitong Linggo, nagpaabot din ng pasasalamat ang Pangalawang Pangulo sa lahat ng ama na nagtataguyod ng pamilya.
“Maligayang Araw ng mga Ama sa lahat ng tatay, papa, itay, at sa mga lahat ng taong nagsisilbing haligi ng tahanan at pinagmumulan ng lakas at tibay ng bawat isa,” saad ni VP Sara.
Dagdag pa niya, “Maraming salamat sa inyong katatagan na siyang pundasyon na nagbibigay ng seguridad, katiwasayan, at daan para maging responsable, disiplinado, at produktibong indibidwal ang mga anak.”