June 15, 2025

Home FEATURES Trending

Masayang graduation moment ng college student, nasira dahil sa 'black shoes'

Masayang graduation moment ng college student, nasira dahil sa 'black shoes'

Viral sa social media ang Facebook post ng isang graduating student mula sa Iloilo matapos niyang ibahagi ang nakaka-trauma na karanasan sa graduation ceremony dahil sa "black shoes."

Mababasa sa viral Facebook post ng nagngangalang "Cybelle" na ilang beses daw siyang sinita dahil sa suot niyang black shoes.

Tila hindi raw kasi tumugma sa naka-set na standard ng sapatos na dapat suutin sa graduation ceremony ang nabili niyang sapatos, na ang pinambili ay mula sa sarili niyang pera mula sa mga raket niya habang pinagsasabay sa pag-aaral.

"Hindi ko naman alam na yung sapatos na pinaghirapan kong bilhin ang sisira ng graduation ko," mababasa sa post ng graduate.

Trending

'Larooo!' 3 senadora, ginawang 'abay' sa kasal ni Zeinab

"Black parisian close shoes. Naka-sale siya tag 400 lang. Bilang minsan lang ako maka-earn ng sarili kong pera mula sa mga raket na bumubuhay sa’kin sa college, binili ko na para sa Graduation namin."

"Excited ako kasi ngayon lang ako nagkaroon ng shoes na branded pero kaya kong bilhin."

"Ang alam ko, 'black close shoes' ang hinihingi nila. Walang picture o basis na pinadala. Sa akin, masaya ako kasi may black close shoes ako na ako bumili," aniya.

Kuwento ng estudyante, sinabihan daw siya ng isang faculty na dapat walang strap at plain lang ang sapatos na suot niya, na sinegundahan naman ng isang babaeng marshall.

"Graduation Day. Masaya akong pumapasok sa Iloilo Convention Center kasama si nanay kasi alam kong magiging masaya ang araw na to. Hanggang sa sinabihan ako ng isang faculty na dapat walang strap kasi dapat plain lang. Tinanggal ko yung strap pero pinigil pa rin kami ng isa pang babaeng marshall at sinabihang bawal talaga yung sapatos ko. Nanglamig ako at natakot sabi ko sa kanya wala po akong pamalit. Wala akong extra para bumili."

"Pilit kami pinapalabas sa may pinakakanan na pintuan. Sabi niya kay nanay kasalanan ko daw dahil nag-announce sila. Oo naman, nag-announce pero sabi sa announcement 'plain black close shoes,' hindi ba ito yun?"

Nang magtungo na sila sa isang gilid upang lumabas, pinigilan sila ng isang guwardiya dahil bawal daw lumabas sa nabanggit na pintuan. Napansin din umano ng estudyante na ang ibang mga kagaya niya ang sapatos ay pinalalagpas at pinapayagan naman.

"Noong dumako na kami sa gilid, pinigilan rin kami ng guard kasi bawal daw doon lumabas. Sabi pa niya kausapin na lang sila kasi mag-uumpisa na baka di na ko umabot. Lumipas na lang ang mga oras nakita ko kung paano nila palagpasin ang mga may katulad kong sapatos. Kaya kong tukuyin kung sino-sino yun. Hanggang sa ilan pang mga minuto kasama ko na ang ilan na may problema rin sa sapatos."

"Yung isa black close shoes pero may silver na design (see picture sa comsec). Yung dalawa close naman pero may strap sa likod."

"Paano yan kung ito lang ang pinakamagandang sapatos na kaya namin bilhin. Paano yun wala kaming extra para sa hinihingi niyo? Wala man lang bang konsiderasyon?"

Hanggang sa nagkapatong-patong na ang aberya na nag-ugat umano sa sapatos.

"Naiiyak ako. Pinalabas kami. Pinili ng mga magulang ng mga kaibigan ko na patatagin ang loob ko. Hanggang sa nakapasok ako ng ICON ulit kaso si nanay hindi na pinapasok kasi napabilang na kami sa late comers."

Pero hindi pa raw natapos dito ang aberya dahil muli na namang sinita ang sapatos niya, nang papunta na siya sa entablado upang tanggapin ang diploma.

"Akala ko ayos na. Okay na eh sa loob na kami, aakyat na lang ako sa stage, kukuha ng diploma, at magpapapicture.

Sinuot ko ulit ang sapatos ko. Meron namang extra na ipapahiram sakin kaso nasa malayo pa."

"Nung nakalinya na kami sa baba ng stage may biglang humawak ng kamay ko. Binulungan ako, “palitan mo yang sapatos mo, humiram ka sa kaklase mo.'"

"Ayokong umalis sa linya kasi alam ko namang hindi kita ang sapatos sa live o kahit sa led wall dahil sa mga bulaklak na palamuti ng stage. Pero hindi ko maintindihan. Bakit ayaw pa rin akong bigyan ng konsiderasyon."

"Bumalik ako sa aking kaklase at humiram ng sapatos. Nawawalan na ako ng pag-asa dahil alam kong papalapit nang tawagin ang aking pangalan. Kahit mangiyak-ngiyak na ako tumakbo ako papuntang stage umakyat nang may mapaklang ngiti. Hindi ako maganda sa larawan na iyon alam ko. Sayang yung 150, dalawang araw ko pang baon yun."

Pagkatapos ng insidente at karanasan ay nakatulala lamang daw siya sa mga nangyari. Hindi raw niya akalaing masisira ang masayang graduation niya nang dahil sa sapatos.

"Buong durasyon ng seremonya nakatulala lang ako. Naiiyak, nanghihina, pinagdadasal na sana panaginip lang lahat ng ‘to.

Hindi ko naman alam na yung dapat ay masaya kong graduation ay masisira pala ng sapatos na pinaghirapan ko."

Photo courtesy: Screenshots from Cybelle Rio Jhane Hembra (FB)

Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 8.9k reactions, 1.8k shares, at 138 comments ang nabanggit na post.

Samantala, wala pang pahayag ang pamunuan ng state university o ng convention center na binanggit ng estudyante sa kaniyang post. Bukas ang Balita sa kanilang panig.