Sumentro ngayon sa social media ang seat number ng kaisa-isang pasaherong nakaligtas sa pagbagsak ng Air India noong Huwebes, Hunyo 12, 2025.
Matapos ang tila milagroso umanong pagkakaligtas ni Vishwash Kumar Ramesh, isa sa mga iniintriga ay ang kaniyang seat number na 11-A na sinasabing rason kung bakit siya lang ang kaisa-isang nabuhay sa tinatayang 241 pasaherong nasawi sa pagbagsak ng nasabing eroplano.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Paano nakaligtas si Vishwash Kumar Ramesh sa Air India Flight 171?
Sa mga nagkalat na larawan ng umano’y layout ng eroplano, malapit sa emergency exit ang puwesto ni Ramesh. Batay na rin sa kaniyang mga naging salaysay na inilathala ng ilang international media outlets, ito ang kaniyang ginamit upang makalabas nang buhay, ilang segundo matapos bumagsak kanilang eroplano.
“I've no idea how I survived. For a while, I thought I was dying too. But when I opened my eyes, I tried to get out. I saw the gate was broken and there was a small gap-I jumped through it," saad ni Ramesh sa isang panayam.
Samantala, sa kabila ng mga hinuha ng netizens tungkol sa seat 11-A, ilang eksperto ang nagbigay-linaw kung totoo nga bang mas mataas ang survival rate ng mga pasaherong nakapuwesto rito.
Sa panayam ng media kay Mitchell Foz, direktor ng Flight Safety Foundation na isang U.S Based non profit organization, iginiit niyang imposible umanong ma-predict ang survival rate ng mga pasahero sa isang plane crash.
"Each accident is different, and it is impossible to predict survivability based on seat location," aniya.
Sa pananaw naman ni Ron Bartsch, Chairman ng AvLaw Aviation, bagama't pinakaligtas nang maituturing ang puwesto ni Ramesh dahil sa espasyo sa harapan niya at malapit sa emergency exit, hindi raw ito pare-pareho sa bawat eroplano.
"In this particular instance, because the passenger was sitting adjacent to the emergency exit, this was obviously the safest seat on the day," saad ni Bartsch.
Dagdag pa niya, "But it's not always 11A, it's just 11 in this configuration."
Tila sinuwerte lang daw si Ramesh sa pananaw ni Tony Cable, isang senior air crash investigator dahil umano sa posibilidad na napinsala na ang bahagi ng emergency exit kaya't nakalabas pa si Ramesh.
"It has presumably broken open in an area of the fuselage adjacent to this guy and fortuitously he has popped out without major injury," ani Cable.
Sa kabi-kabilang hinuha ng netizens, paalala ng mga eksperto, na ang pinakasiguradong paraan pa rin upang makalabas sa eroplanong naaksidente ay ang pagbibigay-pansin umano sa mga flight attendants na nagbibigay ng safety demonstration bago lumipad ang eroplano.