June 15, 2025

Home BALITA

‘Guilty na, pinagmulta pa?’ Cebu Gov. Gwen Garcia, ‘bingo’ sa Ombudsman!

‘Guilty na, pinagmulta pa?’ Cebu Gov. Gwen Garcia, ‘bingo’ sa Ombudsman!
Photo courtesy: Gwendolyn Garcia/FB

Pinatawan ng guilty of indirect contempt si outgoing Cebu Governor Gwendolyn Garcia matapos siyang hindi bumaba sa puwesto noong siya ay sinuspinde ng Ombudsman.

Bukod sa pagiging guilty, pinagmumulta rin ng Ombudsman si Garcia ng tinatayang ₱30,000 matapos ang hindi niya pagsunod sa ipinataw sa kaniyang preventive suspension order noong Abril 23, 2025.

“Wherefore, for defying the Preventive Suspension Order dated 23 April 2025, the Ombudsman finds respondent Governor Gwendolyn F. Garcia GUILTY of INDIRECT CONTEMPT, and hereby imposed a FINE of Thirty Thousand Pesos (P30,000), payable to the Office of the Ombudsman,” anang desisyon ng Ombudman.

Nag-ugat ang suspensyon ni Garcia matapos niyang bigyan ng permit ang Shalom Construction Inc. noong Mayo 14, 2024 na wala umanong Environmental Compliance Certificate (ECC) mula sa Department of Environmental and Natural Resources (DENR).

Nasawi sa Air India nasa 270 na; pagkilala sa bangkay ng mga biktima, nagpapatuloy!

Matatandaang noong Mayo 15, nang maghain ng temporary restraining order (TRO) si Garcia laban sa kaniyang suspensyon na siya namang pinayagan ng Court of Appeals. Habang noong Mayo 19 naman nang isyuhan siya ng Ombudsman ng show cause order upang pagpaliwanagin siya sa hindi niya raw pagbaba sa puwesto.

Sa kabila ng aprubadong TRO ni Garcia noong Mayo 15, nanindigan ang Ombudsman na ito ay hindi retroactive o hindi epektibo pabalik sa mga araw na siya ay idineklarang suspendido mula Abril 29 hanggang Mayo 14.

Samantala, sa hiwalay na pahayag ni Garcia nitong Biyernes, Hunyo 13, kinuwestiyon niya ang naturang hatol ng Ombudsman at iginiit ang kaniyang aprubadong TRO—dahilan ng hindi niya pagbaba sa puwesto.

“By citing me for indirect contempt, is Ombudsman Martires insisting now that he does not respect the Temporary Restraining Order issued by the Court of Appeals?” ani Garcia.