June 14, 2025

Home BALITA

Bagong utos ni Torre sa kapulisan: Bawal ang bochog, dapat sharp shooter!

Bagong utos ni Torre sa kapulisan: Bawal ang bochog, dapat sharp shooter!
Photo courtesy: Contributed photo, PNP

May mahigpit na kautusan si Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III sa pisikal na itsura at shooting skills ng kapulisan.

Sa press briefing ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo noong Martes, Hunyo 10, 2025, ipinaliwanag niya ang nais daw ni Torre na mangyari sa mga pulis sa ilalim ng kaniyang liderato.

“Ayaw niya ng nakakakita na ang taba-taba kasi, kung ang role nga naman ng mga pulis ay tumakbo, paano ka nga naman makakatakbo kung halos hindi mo na mabitbit yung sarili mo?” ani Fajardo.

Iginiit din niyang repleksyon din umano ng isang pulis ang kaniyang panlabas na itsura.

Mga pulis na ‘di marunong gumamit ng baril, tatamaan kay Torre!

“Yung mere appearance mo na medyo malaki ka, ‘ika nga ay halos pumuputok na yung iyong uniporme, yung physical appearance would somehow make an impression anong klase pulis tayo mayroon?”

Giit pa niya, makakaapekto raw sa pagpapa-promote ng mga pulis kung sila ay babagsak sa physical exam.

“Malinaw naman yan sa ating circular na kapag bumagsak ng dalawa beses sa PFT na magkasunod ay hindi ka pupwedeng ma-promote,” aniya.

Samantala, sa kabila ng malinaw na direktiba ni Torre sa kapulisan hinggil sa paggamit ng mga baril sa kani-kanilang operasyon, nais din umano niyang pagbutihin ng PNP ang kanilang shooting skills.

“Ang laki-laki ng target paper mo tapos nasa labas lahat ng putok mo, nagmi-miss ka, ay parang hindi naman yata katanggap-tanggap ‘yon bilang pulis po,” ani Fajardo.