Muling nilinaw ni Senate President Chiz Escudero na wala pang opisyal na resolusyong inihahain upang maibasura ang nakabinbing impeachment kay Vice President Sara Duterte sa Senado.
Sa kaniyang press briefing nitong Lunes, Hunyo 9, 2025, iginiit niyang walang inaaksyunang resolusyon ang Senado dahil wala pa umanong opisyal na inilalabas ang sinumang senador hinggil sa pagpapabasura sa impeachment.
“Wala pa rin akong nakikitang resolusyon. Yung nilabas niyong resolusyon—kayo naman ang naglabas noon, hindi naman ang Senado. Hangga’t walang fina-file wala kaming maaaksyunan o inaaksyunan,” ani Escudero.
Matatandaang kamakailan lang ng umugong ang mga balitang may mga resolusyong kokontra na raw upang hindi maituloy ang impeachment kay VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: 'Meron o wala?' Mga senador, iba-iba tugon sa resolusyong babasura sa impeachment ni VP Sara
Kaugnay nito, nauna na ring aminin ni Sen. Bato dela Rosa na sa kaniyang opisina raw nanggaling ang Senate draft resolusyon na ipinapabasa niya sa mga kapwa senador.
KAUGNAY NA BALITA: 'Made from Bato!' Reso para ibasura impeachment ni VP Sara, galing kay Sen. Bato