Pinuri ng mga netizen ang isang doktora matapos lapatan ng first aid ang isang driver na huminto sa pagmamaneho dahil nawalan ng malay.
Viral ang Facebook post ng doktorang si Glena Fe Yapchulay matapos niyang ibahagi ang video ng pagliligtas niya sa isang SUV driver na bigla na lamang daw nawalan ng malay dahil sa hindi magandang nararamdaman.
Mababasa sa kaniyang post noong Hunyo 7, "Kanina sa daan ay may napansin kami na mga taong pilit binabasag ang salamin ng isang nakahintong SUV sa gitna ng karsada. Dahil hindi heavily tinted ang sasakyan ay makikita ang driver na walang malay. Ang mga tao sa paligid ay gumawa na agad ng aksyon. Nagbayanihan na upang tulungan ang driver."
Paglilinaw ng doktora, "***Ang video ay para sa awareness na kapag may masama ng nararamdaman ay huwag ng mag-drive ng solo."
"Pray natin ang driver ng SUV na maging ligtas. Siya ay kasalukuyan ng nasa ospital," aniya pa.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"God bless you Dra. napakabuti ng Dios dahil andyan ka sa lugar kung saan may ganyang situation..Dalangin ko na ligtas ang Driver..Maging aral nga ito sa ating mga Driver pag may nararamdaman ng masama wag na pong mag drive.."
"Maraming maraming salamat po Doc Glena Fe Yapchulay at sa mga taong hindi nag dalawang isip na tulungan ako. Maraming maraming salamat sa inyong lahat."
"You are his angel po Dra. Glena Fe Yapchulay a. Sana okay lang yung driver po."
"sana po ay dumami ang mga tunay na doktor na katulad nyo na hindi pay first before treatment pag emergency. ganun kc sa ER bayad muna ng 10k bago ka aasikasuhin."
Samantala, sa panibagong update ng doktora ay sinabi niyang mula sa kapatid ng nabanggit na driver, ay nagpapagaling na raw siya sa ospital.
"Tumawag ang aking Kuya na si Japs Yapchulay upang ipahatid ang mensahe ng pasasalamat mula sa pamilya ng pasyente. Siya ang natawagan dahil na rin di nila ako kakilalang personal. At pagbukas ko din ng FB ay nakita ko ang mensahe."
"Sa mga nagtatanong kamusta na ang pasyente … sa ating tulong-tulong na dasal at aksyon, siya ay nagpapagaling na sa ospital. To God be the glory," aniya.