Nagpahayag ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte sa lahat ng mga nakiisa raw sa kanilang naging pagtitipon sa The Hague, Netherlands noong Mayo 31, 2025.
Sa isang Facebook post nitong Linggo, Hunyo 8, ikinagalak daw ng Bise Presidente na maging pangunahing pandangal sa tinatayang apat na libong Overseas Filipino Worker (OFW).
“Naging isang malaking pagtitipon ng mga Overseas Filipino Workers sa The Hague, Netherlands noong Mayo 31, 2025. Ikinalulugod kong maging panauhing pandangal sa naturang pagtitipon na may bilang na halos apat na libong OFW na may panawagang pauwiin ng ligtas sa Pilipinas ang ating dating Pangulong Rodrigo Duterte,” ani VP Sara.
Samantala, siniguro din ng Pangalawang Pangulo na patuloy raw niyang gagampanan ang tungkulin para naman sa kapakanan ng mga OFW.
“Muli ko namang siniguro sa ating mga kababayan doon na patuloy ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa pagtaguyod ng kapakanan ng ating mga kababayang OFW,” aniya.
Matatandaang sa Netherlands huling pumunta si VP Sara matapos siyang bumisita sa Qatar noong Mayo 27. Noong Hunyo 4 ng maiulat na nakabalik na ng bansa ang Pangalawang Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, bibisitahin mga Pinoy sa Qatar, Netherlands