Inamin ng nag-viral na babaeng sumuot sa isang imburnal sa Makati na may "bisyo" siya subalit hindi naman daw araw-araw, nang tanungin siya ni "Pinoy Pwnstars" vlogger Boss Toyo.
Nagsadya kasi si "Rosemarie" kay Boss Toyo upang ipagbenta sa kaniya ang kontrobersiyal na "cutter blade" na naging rason kung bakit siya sumuot sa nabanggit na imburnal.
Kinuha raw niya ang nalaglag na cutter blade sa loob ng imburnal, na ginagamit daw niya sa hanapbuhay gaya ng pangangalakal ng mga plastic bottle at karton.
Unang beses daw niyang makapasok sa nabanggit na imburnal at hindi naman daw totoo ang mga nauna nang espekulasyong dito siya nakatira o may ginagawa siyang masama sa loob nito.
Pero nauntag ni Boss Toyo si Rosemarie kung nagbibisyo ba siya.
"Matanong ko lang, nagbibisyo ka?" diretsahang tanong ni Boss Toyo.
"Nagbibisyo naman po, pero hindi naman po, hindi naman po araw-araw eh," aniya.
Hindi naman binanggit ni Rose kung anong klaseng bisyo ito.
Ipinayo naman ni Boss Toyo na magbago si Rosemarie dahil sayang naman daw ang ibinigay sa kaniya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung mauubos lang ang ayuda. Ginawa pang halimbawa ni Boss Toyo ang kaniyang sarili na halos walong taon daw nalulong sa bisyo subalit sinubukang magbago.
Naging dahilan ang pagka-viral niya para hanapin siya ng DSWD at makakuha siya ng mga nasa ₱80,000 na tulong bilang panimula sa isang sari-sari store.
MAKI-BALITA: Cutter blade ni Imburnal Girl, napasakamay ni Boss Toyo
₱5,000 ang alok ni Boss Toyo sa cutter blade subalit nabatak ito ni Rosemarie hanggang sa ₱10,000. Pumayag naman si Boss Toyo ay pinapirmahan niya ang cutter blade sa babae dahil ilalagay ito sa kaniyang museo, kasama ng ibang collectible items mula sa mga sikat na celebrity at personalidad.