June 08, 2025

Home SPORTS

Bronze medal ni Golden Boy Carlos Yulo, inintriga

Bronze medal ni Golden Boy Carlos Yulo, inintriga
Photo courtesy: via MB

Balik-eksena na ulit si two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo sa gymnastics, at sa pagkakataong ito, nakopo niya ang bronze medal sa men's individual all-around event sa 2025 Asian Men's Artistic Gymnastics Championships na ginanap noong Huwebes, Hunyo 5, sa Jecheon, South Korea.

Nakakuha ng iskor na 83.633 si Yulo na pumangatlo sa nakatunggaling sina Oka Shinnosuke (85.134, gold) ng Japan at Hasegawa Tsuyoshi (83.967, silver).

Matatandaang noong 2024 ay nasungkit ni Yulo ang gintong medalya para sa individual all-around, floor exercise, vault, at parallel bars events.

Dalawang gintong medalya naman ang nasungkit niya sa Olympics na naging dahilan para tawagin siyang "Golden Boy."

‘Balik sa tugatog!’ Carlos Yulo, muling nag-uwi ng gintong medalya

Hindi naman maiwasan ng ilang mga netizen na intrigahin ang bronze medal ni Yulo, at nagsabing ano na raw ba ang nangyari sa kaniya? May ilan pang nagkomento ng tila "below the belt" at sinabing tila "kinarma" daw ang atleta matapos ang kaliwa't kanang isyu noon.

Pero sinaway naman sila ng fans ni Yulo at sinabing iba naman ang sitwasyon noong 2024 sa sitwasyon ngayong 2025 at hindi ito dapat ikinukumpara. Huwag na raw sana pang "talangkain" si Caloy at bagkus ay suportahan na lamang siya sa mga susunod daw na laban.

Maging masaya na lamang daw sana ang lahat sa tagumpay pa rin ni Yulo dahil nakapag-uwi siya ng bronze medal sa bansa.

KAUGNAY NA BALITA: The Golden Boy: Si Carlos Yulo at kaniyang dalawang gintong medalya