Muling iginiit ng Malacañang na matagal nang ipinaubaya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Senado ang magiging takbo ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa press briefing ni Palace Press Undersecretary Claire Castro, muli niyang binigyang-diin ang posisyon ni PBBM sa usapin ng impeachment ng Pangalawang Pangulo.
“Unang-una po, sinabi naman po ng Pangulo na ito po’y nasa kamay na po ng Senado. At hindi po makikialam ang Pangulo kung ano po ang nangyayaring pagdedebate sa Senado,” ani Castro.
Inungkat din niya ang nakaambang pagtawid ng estado ng impeachment ni VP Sara sa 20th Congress.
“May kaniya-kaniya pong ideya dito. May nagsasabi po, mga eksperto rin—na maaari po ng tumulay or tumawid sa 20th Congress dahil ayun na rin sa isang Supreme Court decision, ang Senado po ay itinuturing na isang continuing body,” aniya.
Paglilinaw pa ni Castro, walang anumang hakbang gagawin si PBBM kung anuman ang magiging desisyon ng Senado sa nakabinbing impeachment ni VP Sara sa kanilang institusyon.
“Hindi n’ya po ito papakialaman. Wala siyang anumang gagawin patungkol dito. Dahil lahat po ng mangyayari ay nasa Senado na po. Ang gusto lang po n’ya, para sa kalahatan, hindi lamang po sa impeachment, dapat lang po manatili ang due process, manatili ang proseso,” giit ni Castro.
Sa Hunyo 11 nakatakdang likutin ng Senado ang impeachment ni VP Sara para sa pagsisimula ng pagbasa ng articles of impeachment ng Pangalawang Pangulo. Kaugnay naman ng nakatakdang pagtatapos ng sesyon ng 19 Congress na siyang kasalukuyang Kongreso, ang pag-ugong ng mga balitang posible na raw maibasura ang impeachment bago pa magsimula ang susunod na Kongreso.
KAUGNAY NA BALITA: 'Meron o wala?' Mga senador, iba-iba tugon sa resolusyong babasura sa impeachment ni VP Sara