Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang patuloy na pagtaas ng kaso ng mga tinatamaan ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa bansa.
Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, nangunguna ang Pilipinas sa buong mundo na may pinakamabilis na pagtaas ng HIV infected.
“Fifty-seven new cases a day. 500 percent increase ito. Tayo ang pinakamataas sa numero ng new cases of HIV sa buong mundo. Iyon ang nakakaalarma,” ani Herbosa sa isang radio interview noong Linggo, Hubyo 1, 2025.
Kaugnay nito, inihayag din ni Herbosa na lumapit na raw siya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. upang makapagdeklara na raw ng national public health emergency para sa kaso ng HIV.
“May mga programa kami na inumpisahan. Ako nga ay nanghihingi ng request sa Presidente na mag-issue rin ng national public health emergency diyan sa problema ng HIV, hindi sa Mpox. Sa HIV tayo may problema,” anang DOH secretary.
Ayon pa kay Herbosa nasa edad 12 taong gulang mula sa Palawan ang pinakabatang nagpositibo sa naturang virus.
“Mayroon tayong 12-year-old nag-se-sex na siya, sa Palawan, positive. Ang bata. Before that 15 yung pinakabata,” aniya.
Dagdag pa niya, “Ito ang prinoproblema ko ngayon, dati mga 25 upwards ang nagkaka-HIV.”
Samantala, nilinaw rin ni Herbosa na maaari na raw magamot ang HIV sa pamamagitan ng anti-retroviral.
“Ang HIV ngayon nagagamot na, basta ma-test ka at mabigyan ka ng tinatawag na anti-retroviral,” saad niya.