Pinatawan ng cease and desist order ang online booking platform dahil sa umano'y mataas na singil sa airfare papuntang Tacloban sa gitna ng isinasagawang rehabilitasyon ng San Juanico Bridge.
Sa isang press conference nitong Lunes, Hunyo 2, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon na nakatanggap siya ng mga report kaugnay sa mataas na airfare na ipinataw ng online booking platform papuntang Tacloban.
"We have discovered that there are some unscrupulous online booking platforms for airline tickets that are clearly taking advantage. Pinagsasamantalahan po nitong mga online na platforms ang current situations Tacloban," saad ni Dizon.
Matatandaang kamakailan lang nang magsagawa ng pagsusuri sa pinakamahabang tulay sa bansa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kung saan inirekomenda nila doon ang pagbabawal muna sa pagdaan ng mga malalaki at mabibigat na sasakyan.
BASAHIN: Pagkukumpuni sa San Juanico Bridge, posibleng pumalo ng ₱500M—OCD
Ibinahagi ni Dizon na tinawagan siya ni Rep. Richard Gomez kung saan bumili raw ito ng plane ticket sa nabanggit na online booking platform na AirAsia Move pa-Maynila galing Tacloban, na nagkakahalaga ng P77,704. Ang kasama lamang daw ng congressman ay ang misis nitong si Ormoc Mayor Lucy Torres-Gomez.
"That's close to P40,000 (each) one way. Take note one way [...]. This is totally unacceptable," dagdag pa niya.
Bukod sa kaso ni Gomez, mayroon din daw nag-book sa nabanggit na online booking platform ng plane ticket na nagkakahalaga naman ng P50,000 para sa dalawang tao.
"Kriminal na ang ginagawa ng AirAsia Move na ito," giit pa ni Dizon.
Kaugnay nito, naglabas ng Cease and Desist Order laban sa nabanggit na online booking platform ang Civil Aeronautics Board (CAB) noong Mayo 26, dahil sa labis na paniningil airline tickets.
Mababasa sa cease and desist order, "AirAsia Move has engaged in the unauthorized sale of airline tickets for carriers in the Philippines at prices exceeding the approved fare structures established by the CAB."
Ayon kay Dizon, sumagot ang pamunuan ng online booking platform at sinabing hindi raw sila pumapailalim sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
At dahil napag-alaman daw nila na Malaysia-based ang Move, humingi siya ng tulong sa mga awtoridad ng PNP-Cybercrime.
"I asked them to take the website down. To take it down today. Para wala nang mabiktima itong AirAsia Move na ito," saad ng DOTR chief.
Inatasan din niya ang mga awtoridad ng CAB na maghain ng criminal economic sabotage case laban sa naturang online booking platform.
Bukod dito, pinaiimbestigahan din niya sa CAB ang iba pang online booking platforms na naninigil din ng mataas na airfare hindi lamang sa Tacloban maging sa iba pang mga local destination.