Isang 47 taong gulang ang nakatanggap ng ₱30,000 matapos siyang magpatuli at kinilala sa bilang pinakamatandang nagpatuli sa bayan ng Gapan City.
Sa Facebook post na ibinahagi ni Mayor Joy Pascual sa kaniyang opisyal na Facebook account noong Biyernes, Mayo 30, 2025, ipinakita niya ang patuloy daw na pagtangkilik ng kaniyang mga kababayan sa programa nilang libreng tuli.
"₱30,000 para po sa 47 years old na pinakamatandang natuli, siya ay may walong anak mula sa kaniyang una at pangalawang asawa. Congrats po!" anang alkalde sa caption.
Dagdag pa niya, "Nakakatuwa na libong mga Batang Gapan ang nakisali satin operation libreng tuli!"
Ibinida rin ni Pascual na may kasama pang libreng pelikula at libreng mga pagkain ang kanilang alok na libreng tuli.
"May kasama libreng movie, libreng hotdog, libreng sago't gulaman, libreng photo booth, libreng ice cream, at libreng popcorn. Tuloy tuloy na dekalibreng serbisyo para po sa inyo," aniya.