June 17, 2025

Home FEATURES Human-Interest

KILALANIN: Si Christopher Diwata at ang pamosong ‘What hafen Vella?’

KILALANIN: Si Christopher Diwata at ang pamosong ‘What hafen Vella?’
Photo Courtesy: Christopher Diwata (FB), Screenshot from ABS-CBN Entertainment (YT)

Sinong mag-aakalang matapos ang mahigit isang dekada ay magiging sentro muli ng atensyon si Christopher Diwata o ang tinaguriang Taylor Lautner ng Pilipinas?

Lumahok si Christopher sa “Kalokalike Face 2 Level Up” ng “It’s Showtime” noong Setyembre 2013. Umarte siya sa naturang segment bilang si Jacob Black, ang karakter na ginampanan ni Taylor sa film series na “Twilight Saga.”

“What hafen, Vella? Why you crying again? I know, vamfire! right? Vampire will feyt me! I trusted to protect Vella!!But you did not!I will sure you die, Edward!! I will sure you die!” litanya ni Christopher.

At kahit 11 taon na ang nakalipas, tila patok pa rin sa panlasa ng bagong henerasyon ang sinabi ni Christopher. Kumalat muli sa iba’t ibang social media ang video clip ng impersonation niya kay Taylor. 

Human-Interest

Guro sa Iligan City, may pa-classroom pantry

Sa panayam ni ABS-CBN showbiz reporter MJ Felipe noong Mayo 16, ibinahagi ni Christopher ang kuwento sa likod ng kaniyang pamosong linyang “what hafen vella?”

Aniya, “Naalala ko po no’n, no’ng nag-audition po ako ng ‘It’s Showtime,’ wala po talaga akong handa. Kumbaga ang ginawa ko po no’n, no’ng sinalang na po ako ora mismo, naghanap na agad ako sa internet ng anong linyahan ni Jacob.” 

“Kaya po ‘yong salita po do’n, parang magulo. Hindi ko pa kabisado,” dugtong pa ni Christopher.

Ayon kay Christopher, nagulat daw siya na muling lumutang ang performance niya sa “It’s Showtime” dahil hindi raw niya ito inakala.

Kaya naman, kinuha niya ang pagkakataong ito upang gumawa ng mga sarili niyang content sa kaniyang social media account upang lalo siyang makilala ng mga tao.

Dahil dito, dumagsa ang mga biyaya sa buhay ni Christopher. Nagsidatingan ang mga endorsement mula sa iba’t ibang brand at company.

“Sa totoo lang, talagang napakarami ko pong utang. Pero no’ng dumating po ‘yon, marami pong nag-offer sa akin. Ngayon, nakakabawas po ako, nakakaahon,” saad niya.

Kasalukuyang fish dealer si Christopher sa Orion, Bataan. Pinapakyaw at dinadala niya ang mga isda sa kung saan-saan lugar tulad sa Subic at Dagupan. 

Bagama’t mula pagkabata ay nagtatrabaho na siyang fish dealer, ang pinakatugatog daw ng kaniyang pangarap ay maging artista.