May 21, 2025

Home BALITA

10-anyos na bata patay matapos magpatuli sa isang clinic sa Tondo

10-anyos na bata patay matapos magpatuli sa isang clinic sa Tondo
Photo courtesy: Pexels

Patay ang isang 10 taong gulang na bata matapos siyang tulian ng isa umanong nagpakilalang doktor sa isang lying-in clinic sa Tondo, Maynila.

Ayon sa mga ulat, nakita lang daw ng ina ng biktima sa social media ng kaniyang kaibigan na may nag-aalok ng tuli sa naturang clinic. Matapos magkasundo sa babayaran, agad niyang ipina-schedule ang anak at noong araw ding iyon niya dinala sa clinic para matuli.

Malakas at malusog daw ang biktima nang dalhin siya ng kaniyang ina sa clinic.

Nagawa pa umanong makuhanan ng video ng ina ng biktima ang procedure sa kaniyang anak bago ito tuluyang magkaroon ng komplikasyon.

National

'Pekeng' doktor na tumuli sa namatay na 10-anyos, dati na raw nabilanggo

Batay sa salaysay ng ina ng biktima, tinawag siya ng doktor dahil nanginginig na raw ang biktima. Sa kabila nito, nanindigan daw ang doktor na normal lang na makaranas ng panginginig ang kaniyang anak.

Ilang sandali pa ay nangitim na raw ang biktima, dahilan upang siya ay isugod sa ospital kung saan napag-alamang wala na raw heartbeat ang kaniyang anak.

Isasailalim na rin sa autopsy ang bangkay ng biktima upang malaman ang mismong sanhi ng kaniyang ikinamatay. Samantala, dumulog na rin ang pamilya ng biktima sa National Bureau of Investigation (NBI) upang mapanagot daw ang mga suspek sa pagkamatay ng kanilang anak.

“Whatever will be the result (cause) of the death ipapatawag namin, isu-subpoena namin yung doctor na nagtuli,” ani NBI Director Jaime Santiago. 

Posibleng maharap sa sa kasong medical malpractice o reckless imprudence resulting in homicide ang doktor kung sakaling mapatunayang may kinalaman ang isinagawa niyang operasyon sa pagkamatay ng biktima.