Nananawagan ngayon ang Rizal Medical Center (RMC) sa Pasig City sa mga kamag-anak ng 76-anyos na senior citizen na pumanaw sa ospital noong Mayo 6, 2025.
Sa isang Facebook post noong Miyerkules, Mayo 14, ipinanawagan nila sa publiko kung sinoman ang nakakakilala sa mga kamag-anak ni Teresa o Teresita Estrado (Magistrado) Santos na naninirahan sa ilalim ng Kalayaan Bridge, Brgy. Pineda, Pasig City.
Ayon sa RMC, dinala sa emergency room si Santos noong Mayo 2 bandang 8:00 ng gabi. Na-admit ito noong Mayo 3 sa Intermediate Care Unit (IMCU) ng ospital at pumanaw noong Mayo 6.
"Batay sa impormasyong nakalap, siya ay tubong Bicol, ipinanganak sa Sorsogon at dating nanirahan sa Legaspi City, Albay. Napadpad siya sa Pasig City noong kabataan niya, kung saan siya'y nanilbihan bilang kasambahay.
"Maliban dito ay wala na pong ibang detalye ukol sa kanyang pamilya o pagkakakilanlan," ayon pa sa RMC.
Samantala, kung sinoman ang nakakakilala sa yumaong pasyente at kamag-anak nito, makipag-ugnayan lamang sa Medical Social Work Department ng RMC sa numerong 09772440131 o (02) 8865-8400 Local 134.