Nagpahayag ng pasasalamat si reelectionist senator Imee Marcos sa kaniyang pagpasok sa partial and unofficial result ng senatorial race sa katatapos pa lamang na National and Local Elections (NLE) noong Mayo 12, 2025.
Sa kaniyang social media account, ibinahagi ng senadora ang tungkol umano sa paninindigan sa tama na nagdulot ng pagkapanalo.
“Ang tagumpay na ito, kahit gaano kailap at kahirap, ay isang katibayan na kapag ikaw ay nanindigan para sa tama—mananalo ka,” ani Sen. Imee.
Ayon sa pinakabagong tala ng Commission on Elections (Comelec) as of 10:30 nitong Miyerkules ng umaga, Mayo 14, nananatili sa ika-12 puwesto si Marcos na nakakuha ng 13,037,861.
Dagdag pa ng senadora, “Hindi nagmaliw ang paniniwala ko sa dunong ng sambayanang Pilipino, na dama at alam nila ang ibig sabihin ng sakripisyo at prinsipyo at gagawaran nila ito ng suporta at pagmamahal.”
Samantala, ayon sa Comelec, nakatakda nilang iproklama ang 12 senador sa Mayo 17 Sabado o hindi naman kaya ay sa Linggo, Mayo 18.
“Baka itong Sabado o Linggo, sana makapag-proklama na tayo ng senado,” ani Comelec Chairman George Erwin Garcia sa media.
KAUGNAY NA BALITA: Mga nanalong senador, target maiproklama ng Comelec sa weekend