May 12, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Kompanya, pinapahanap breadwinner na naiyak sa regalong panty ng nanay niya

Kompanya, pinapahanap breadwinner na naiyak sa regalong panty ng nanay niya
Photo courtesy: AVON Philippines (FB)/Freepik

Nakarating sa kaalaman ng AVON Philippines ang viral post ng isang anak na breadwinner na naging emosyunal matapos palihim na regaluhan ng panties, na binili mula sa nabanggit na brand.

Noong Abril, naging emosyunal na rin ang mga netizen sa viral Facebook post sa page na "Klasik Titos and Titas of Manila" matapos mabasa ang salaysay ng isang anonymous uploader patungkol sa sorpresang natanggap na regalo mula sa kaniyang ina.

"Tanghaling tapat pero napaluha kami dahil sa panty . Praying na mas lalo ka pa sumakses," mababasa naman sa caption ng post.

Anila, ang post ay mula sa social media platform na "Reddit."

Human-Interest

KILALANIN: Si Pope Leo XIV—ang Santo Papa na aktibo sa social media

Mababasa sa post na ang uploader ay talagang humanap ng mga raket para mabigyan ng regalo ang bunsong kapatid na nagtapos sa pag-aaral, at ang Papa naman nila ay nagre-request ng pambili ng bahagi ng motorsiklo, at ang Mama naman ay bagong cellphone.

"Para ma-achieve ang fantasy nila, tumanggap ako ng mga raket bukod sa work ko," aniya.

"Ilang gabi akong puyat susme. Kaya Mahal na Araw lang ako naka-uwi para isahang bagsak. Since matagal ngang di nakauwi sa probinsya, ang dami kong bitbit and kanila lang ako nagka-time na ayusin ang mga damit ko."

Nang makita raw niya ang bag niya, bumungad sa kaniya ang isang set ng bagong panty ng isang local brand, na siniksik daw ng Mama niya sa bag dahil napansin daw nitong mga luma na ang mga ginagamit niyang underwear.

Hindi raw napigilan ng uploader na maging emosyunal.

"Hindi ko napigilan humagulhol ako. Binili raw ni Mama, inipon niya sa mga natitira kong padala."

May nagbalik namang alaala ang uploader sa kaniyang pagkabata. Noong bata raw siya, naalala niyang hindi siya nakabibili ng ganoong klase ng mga panty. Madalas daw sa palengke, sa perya, o kapag may tatak naman ay hati-hati sila dahil mahal ang presyo, kaya madalas daw ay maluwag. Kapag daw napag-uusapan ng mga kaklase niya ang tatak ng panty, hindi siya nakikisali.

"Magc-college na rin si Bunso at hopefully in 4 years ay lahat kami tapos na."

"Ang layo ko na! Ang layo na namin! Kaunti na lang, malapit na ako naniniwala ako," aniya pa.

Naantig naman ang mga netizen sa post na ito dahil tila maraming naka-relate. Nakarating din ito sa kaalaman ng multinational beauty company na kilala sa direct selling ng cosmetics, skincare, perfumes, at personal care products.

"HELP US FIND 'ATE”!'" mababasa sa kaniyang Facebook post noong Mayo 2.

"We were moved by her story and we are actively looking for her since she posted on Reddit kasi gusto namin siyang mapasaya. Kaya internet sleuths, we are asking for your help to find her. "

"Lika? Pasayahin natin siya! " anila pa.

Nangako naman ang mga nasa likod ng Klasik Titos and Titas of Manila na tutulong sila sa paghahanap sa nabanggit na breadwinner. Habang isinusulat ito ay wala pang updates kung nakausap na ba nila ang uploader sa likod ng nakaaantig na post.

KAUGNAY NA BALITA: Anak na napahagulgol sa regalong bagong panty ng Mama niya, kinaantigan