May 04, 2025

Home SHOWBIZ

Batikang aktres na si Alicia Alonzo, madre na

Batikang aktres na si Alicia Alonzo, madre na
Photo courtesy: Screenshots from Julius Babao UNPLUGGED (YT)

Kaya pala hindi na masyadong napagkikita sa pelikula o proyekto sa telebisyon ang beteranang aktres na si Alicia Alonzo, ay dahil nasa loob na siya ng isang kumbento sa Pampanga.

Sa panayam sa kaniya ng batikang journalist na si Julius Babao na mapapanood sa vlog niya, sinabi ni Alicia na natuklasan niya ang kagustuhang maglingkod nang eksklusibo sa Panginoon nang magsimula na siyang magsimba sa Caryana Monastery, ang monasteryo kung saan siya nakalagi bilang isang madre.

Nakilala raw niya ang pari doon na si Father Odon De Castro, at dito ay nagkaroon siya ng recollection. Hanggang sa dapuan siya ng sakit at maospital. Naging puntahan daw niya ang monasteryo para magdasal, hanggang sa nakasanayan na niya ito'y makita ang takbo at routine ng buhay sa loob.

Matapos makasama ang mga madre sa pagdarasal at iba pang mga gawain sa nabanggit na monasteryo, nakaramdam daw ang aktres ng fulfillment at tila nagkaroon siya ng panibagong layunin sa buhay.

Arci Muñoz, sinariwa nangyaring aksidente sa mukha

"Ilang taon na ba ako ngayon, I am turning 79 sa June. All my life puro gusto ko ang ginawa ko... Ngayon naman naisip ko itong age kong 'to, kung ano pa natitira siguro dapat lang ibigay ko na sa Kaniya," bahagi ng pahayag ni Alicia sa dahilan kung bakit siya nagmadre.

Pero paglilinaw ni Alicia, hindi madali ang pagiging isang madre. Sa tuwing naiisip daw niya ang hirap sa pagsunod sa pagiging lay person sa monasteryo, binabalikan na lamang daw niya ang dahilan kung bakit siya pumasok sa loob.