Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Mayo 1, na ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang kasalukuyang nakaaapekto sa Palawan at Mindanao, habang ang easterlies naman ang patuloy na umiiral sa mga natitirang bahagi ng bansa.
Base sa ulat ng PAGASA dakong 4:00 ng umaga, inaasahang magdadala ang ITCZ—na tumutukoy sa linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Palawan at Mindanao.
Malaki rin ang tsansang magdadala ang easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Eastern Samar.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan ding magdudulot ang easterlies ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa.
Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na bagyo o low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).