Dalawang lucky bettors ang maghahati sa ₱22.4 milyong jackpot prize ng Super Lotto 6/49 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes ng gabi, Abril 29.
Ayon sa PCSO, matagumpay na nahulaan ng mga lotto winner ang winning combination na 24-02-10-09-25-05 ng SuperLotto 6/49 kaya’t maiuuwi nila ang katumbas nitong premyo na ₱22,432,132.60.
Nabili umano ng mga lucky winners ang kanilang lucky ticket sa Lucky Circle Corp. sa SM Davao, Davao City at sa Lucky Circle Corp. sa SM Southmall, Las Piñas City.
Upang makubra ang kanilang premyo, kinakailangan lamang ng mga lucky winners na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanilang lucky ticket at dalawang balidong IDs.
Nagpaalala naman ang PCSO na ang lahat ng premyong hindi makukubra sa loob ng isang taon, mula sa petsa nang pagbola dito, ay mapupunta sa kawanggawa.
Ang lahat naman ng premyong lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% tax, alinsunod na rin sa TRAIN Law.
Samantala, wala namang pinalad na magwagi sa ₱49.5 milyong jackpot ng Ultra Lotto 6/58 na may winning combination na 39-05-11-45-10-25 at binola rin ng PCSO nitong Martes ng gabi.
Ang Super Lotto 6/49 ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Linggo habang ang UltraLotto 6/58 ay binubola naman tuwing Martes, Biyernes at Linggo.