Sa unang tingin ay nakakaaliw man, tila naging emosyunal na rin ang mga netizen sa viral Facebook post sa page na "Klasik Titos and Titas of Manila" matapos mabasa ang salaysay ng isang anonymous uploader patungkol sa sorpresang natanggap na regalo mula sa kaniyang ina.
"Tanghaling tapat pero napaluha kami dahil sa panty . Praying na mas lalo ka pa sumakses," mababasa naman sa caption ng post.
Anila, ang post ay mula sa social media platform na "Reddit."
Mababasa sa post na ang uploader ay talagang humanap ng mga raket para mabigyan ng regalo ang bunsong kapatid na nagtapos sa pag-aaral, at ang Papa naman nila ay nagre-request ng pambili ng bahagi ng motorsiklo, at ang Mama naman ay bagong cellphone.
"Para ma-achieve ang fantasy nila, tumanggap ako ng mga raket bukod sa work ko," aniya.
"Ilang gabi akong puyat susme. Kaya Mahal na Araw lang ako naka-uwi para isahang bagsak. Since matagal ngang di nakauwi sa probinsya, ang dami kong bitbit and kanila lang ako nagka-time na ayusin ang mga damit ko."
Nang makita raw niya ang bag niya, bumungad sa kaniya ang isang set ng bagong panty ng isang local brand, na siniksik daw ng Mama niya sa bag dahil napansin daw nitong mga luma na ang mga ginagamit niyang underwear.
Hindi raw napigilan ng uploader na maging emosyunal.
"Hindi ko napigilan humagulhol ako. Binili raw ni Mama, inipon niya sa mga natitira kong padala."
May nagbalik namang alaala ang uploader sa kaniyang pagkabata. Noong bata raw siya, naalala niyang hindi siya nakabibili ng ganoong klase ng mga panty. Madalas daw sa palengke, sa perya, o kapag may tatak naman ay hati-hati sila dahil mahal ang presyo, kaya madalas daw ay maluwag. Kapag daw napag-uusapan ng mga kaklase niya ang tatak ng panty, hindi siya nakikisali.
"Magc-college na rin si Bunso at hopefully in 4 years ay lahat kami tapos na."
"Ang layo ko na! Ang layo na namin! Kaunti na lang, malapit na ako naniniwala ako," aniya pa.
Naantig naman ang mga netizen sa post na ito dahil tila maraming naka-relate.
"Gusto ko 'yong ganitong istorya nakaka-inspire. Akalain mo 'yon!"
"Akalain n'yo 'yon, puwede itong gamiting material ng brand para sa commercial nila..."
"Sobrang layo pa ako, pero malayo na sa dati... ngayon nakakabili na rin ng mga may tatak na panty..."
"Bakit nmn gnitong kainit at oras ngpapaiyak kyo..."
Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 10k reactions, 571 shares, at 241 comments ang nabanggit na post.
---
Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.