Muling nilinaw ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang relasyon niya kay ACT Teacher’s Party-list Representative France Castro na pilit umanong iginigiit ni Vice President Sara Duterte.
Sa press briefing nitong Biyernes, Abril 25, 2025, diretsahan niyang iginiit na hindi raw sila magkamag-anak ni Rep. Castro.
“Nilinaw ko na po 'yan minsan at alam n'yo po 'yan, ang patungkol sa nasasabing relasyon namin ni Representative France Castro. Sinabi ko po na kami po ay hindi magkamag-anak, magkapareho lang po siguro ng surname,” ani Castro.
Hindi rin umano niya ikakahiya kung nagkataong magkamag-anak umano sila ng naturang mambabatas.
“Pero hindi ko po ikakahiya kung siya man po ay naging kamag-anak ko. Dahil siya po ay makabayan. Masasabi po nating makabayan, makatao rin po. Pero nagkataon lang po, hindi po kasi kami magkamag-anak,” saad ni Castro.
Matatandaang kamakailan lang nang igiit ni VP Sara sa isang ambush interview na magpinsan umano sina Claire at France.
“May experience na kasi ako sa Castro na apelyido. Si France Castro, wala talagang maayos na lumabas doon sa bibig ng babae na 'yon. Siguro itong pinsan niya na si Claire Castro kaya ganiyan din siguro, galing sila sa isang puno,” ani VP Sara.
Samantala, dagdag pa ni Castro na mismong si VP Sara umano ang nagpapakalat ng mga maling impormasyon.
“So sa mga ganitong statement po ni VP Sara, hindi maganda po na Bise Presidente ang nagpapakalat ng isang disinformation,” aniya.