Tinanggal na umano sa katungkulan ang principal sa Antique matapos kumalat sa social media ang hindi pagkakaunawaan sa End-of-School-Year (EOSY) rites dahil sa toga.
Sa isinagawang press briefing nitong Biyernes, Abril 25, kinumpirma ni Presidential Communications Office Undersecretary Atty. Claire Castro na wala na sa posisyon ang naturang principal.
"Dahil na rin po sa naging direktiba po ng Pangulo, agaran pong kumilos ang ating secretary, DepEd Secretary Sonny Angara, at ang sinasabing pong guro ay tinanggal na po bilang principal sa nasabing eskuwelahan,” saad ni Castro.
Ngunit paglilinaw niya, “Tinanggal lang po siya sa pagiging principal. Iyong license naman po niya ay hindi naman manggagaling sa pag-uutos ng Pangulo o ng DepEd Secretary.”
"Allowed pa rin po siya, at siyempre titingnan pa rin po kung ano ba ang klase… ang kaniyang behavior,” dugtong pa niya.
Matatandaang pinatigil ng principal ang EOSY rites ng mga mag-aaral dahil sa desisyon ng mga magulang na pagsuutin ng toga ang mga senior high school graduates.
MAKI-BALITA: DepEd Antique, nagsalita tungkol sa principal na 'tumalak' sa graduation rites