Pinagpiyestahan online ang video ng isang nanay na itinodo ang pag-awra sa graduation ng kanyang anak.
Sa Facebook post ni Bernadeth Flores Cutas noong Abril 14, makikita siyang “rumampa” suot ang stunning halter neck white dress na talaga namang umagaw sa atensyon ng netizens.
Agad namang nag-viral ang video at umani ito ng samu’t saring reaksiyon mula sa kanyang followers.
May ilang nagsabing hindi raw angkop sa okasyon ang suot ng proud mom. Pero marami rin ang dumepensa at nagsabing, “deserve na deserve nito ang pakak na pakak na graduation outfit dahil grumaduate na may award ang kaniyang mga anak.”
Ilang influencers, vloggers, at maging si Dr. Carl Balita ay nagpahayag ng interes na sponsoran si Bernadeth ng gown. Nakatanggap din siya ng tawag mula kay Filipino show maker na si Jojo Bragais.
Sumawsaw na rin ang online personality na si Senyora, na nagsabing, “Go mommy! Ganda ng outfit!”
Kalmado namang pinasalamatan ni Bernadeth ang kaniyang supporters pati na rin ang bashers dahil pumalo na sa 25 million views ang kanyang video. Sa isa pang video, ipinaliwanag nito ang dahilan kung bakit iyon ang kanyang napiling outfit.
“Hindi ko po talaga akalaing mag-viral ‘yong video. Tungkol po sa suot kong damit, confident ko pong pinili ‘yon kasi mabilis lang po siya ibaba at may anak pa po akong dumedede,” aniya.
Dagdag pa niya, “Nag-effort po akong mag-prepare dahil proud po akong samahan ang anak ko —may award po sila.”
Idiniin din ni Bernadeth na wala siyang ginawang mali dahil siya mismo ang bumili ng damit, at wala siyang galit sa bashers. Higit sa lahat, “wala itong inapakang tao.”
Tuloy-tuloy naman ang biyayang natatanggap ni Bernadeth mula sa mga naantig sa kanyang kuwento. Hiling din niya na sana ay makabili siya ng bagong cellphone, dahil apat daw silang naghihiraman sa iisang telepono.