Nakikisimpatya ang mga netizen sa Kapamilya actress na si Janine Gutierrez matapos pumanaw ang dalawang lola niya sa loob lamang ng halos wala pang isang linggo.
Matatandaang unang pumanaw ang kaniyang lola sa father's side na si Asia's Queen of Songs Pilita Corrales noong Sabado, Abril 12.
Ayon sa anak ni Pilita na si Jackie Lou Blanco, aktres, walang malubhang sakit si Pilita kundi hindi na lamang nagising mula sa pagkakatulog.
Si Pilita ang ina ng aktor na si Monching Gutierrez, na tatay naman ni Janine. 85 taong gulang nang siya ay sumakabilang-buhay.
MAKI-BALITA: Pilita Corales—Asia’s Queen of Songs, pumanaw sa edad na 85
Miyerkules Santo, Abril 16, nagulantang ang lahat nang kumpirmahin ng aktor na si Ian De Leon na pumanaw na ang inang si National Artist for Film and Broadcast Arts at Superstar Nora Aunor, sa edad na 71.
MAKI-BALITA: Nora Aunor, pumanaw na sa edad na 71
Hindi tinukoy ni Ian ang dahilan ng pagkamatay ng kaniyang ina, subalit inaasahan ang isang state funeral para sa nag-iisang Superstar at Pambansang Alagad ng Sining.
Si Nora ang ina ni Lotlot De Leon, na nanay naman ni Janine.
Kaya naman, bumuhos ang pakikiramay sa mga naulilang pamilya ng dalawang icons ng showbiz, lalo na para kay Janine, mula sa mga celebrity, fans, at maging sa social media personalities.