Nakapagtala ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island ng 15 volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo, Abril 13.
Base sa 24 oras na pagmamanman ng Phivolcs, nananatiling mataas ang aktibidad ng Kanlaon na nakataas pa rin sa Alert Level 3 (magmatic unrest).
Naglabas ang bulkan ng 1,633 tonelada ng sulfur dioxide nito lamang Sabado, Abril 12.
Naitala rin sa namamagang bunganga ng bulkan ang 50 metrong taas na plume na napapadpad pahilagang-kanluran.
Dahil dito, nagbabala ang Phivolcs sa publiko na maaaring maganap sa Kanlaon ang biglaang pagsabog, pagbuga ng lava, pag-ulan ng abo, Pyroclastic Density Current (PDC), rockfall, at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Kaya naman, ipinayo ng ahensya ang paglikas ng mga nakapaloob sa anim na kilometrong (6 km) radius mula sa tuktok ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng Kanlaon.
Matatandaang noong Disyembre 9 nang itaas ng Phivolcs sa alert level 3 ang bulkan kasunod ng naging pagputok nito.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!