Isiniwalat nina Claire Contreras—o mas kilala bilang Maharlika—at Atty. Harry Roque ang dahilan umano ni Pebbles Cunanan para ilantad ang mga may pakana ng “polvoron video.”
Sa Facebook reels ni Roque kamakailan, sinabi ni Maharlika na kakasuhan umano si Pebbles ng administrasyon kaya naisip nitong bumaligtad na lang.
“Kakasuhan siya ng gobyerno ni Bangag [Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.]. Kaya siya e kinausap na bumaligtad na lang. ‘Yan ang totoo. Alam nila ‘yan,” saad ni Maharlika.
Ayon naman kay Roque, “Mayro’n ding mga aspeto sa posting niya na parang nainis siya; na parang walang nangyayari. Parang set of frustration at helplessness na lahat naman tayo nakakaramdam.”
“Pero siguro, iba-iba lang talaga ‘yong degree ng ating paninindigan. Dahil tayo naniniwala pa rin na ang kabutihan ay mananaig sa kasamaan eventually,” dugtong pa niya.
Hindi raw sila galit kay Pebbles. Sa katunayan, mas naaawa pa nga raw sila sa huli.
Matatandaang isa si Roque sa mga itinuturong nasa likod ng pagpapakalat ng “polvoron video” ng pangulo ayon sa salaysay ni Pebbles sa ginanap na House Tri-Comm hearing noong Abril 8.
MAKI-BALITA: Harry Roque, itinuturong nasa likod ng ‘polvoron video’ ni PBBM