Natagpuan umanong patay ang Filipino-Chinese businessman na si Anson Que kasama ang kaniyang driver sa Rodriguez, Rizal, pagkumpirma ng isang civic leader.
Sa ulat ng ABS-CBN News, kinumpirma ni Filipino-Chinese civic leader Teresita Ang-See ang naturang insidente.
Samantala, nauna nang ibinalita ni Ramon Tulfo ang 'di umano'y pagpatay kay Que base sa kaniyang social media post.
Aniya, natagpuan ng mga pulis ang bangkay Que at driver nito, may-ari ng Elison Steel, sa isang bayan sa Rizal.
Dagdag pa niya, kinidnap si Que habang kumakain sa isang seafood restaurant sa Macapagal Avenue sa Pasay City kamakailan. At ayon daw sa kaniyang mga "reliable sources," nagbayad ang pamilya ni Que ng higit-kumulang P160 milyong ransom.
"Sa aking nakalap na balita sa mga reliable sources, nagbayad ang pamilya ng biktima ng PhP60 million ransom ng pauna at PhP100 million ng pangalawa. Pero pinaslang pa rin si Que kasama ang kanyang driver," ani Tulfo.
"Malaking sampal ito sa Philippine National Police (PNP)," giit pa niya.

Matatandaang noong Abril 6, naglabas ng blind item ang "Bilyonaryo" tungkol sa isang Filipino-Chinese steel magnate na kinidnap habang kumakain sa isang seafood restaurant.
BASAHIN: Chinoy steel magnate, dinukot ng grupong nangidnap ng estudyante sa isang exclusive school?
Kaugnay na Balita: Eva Marie Poon, sinabing may kidnapan sa Chinese community pero walang kabali-balita rito
Kaugnay nito, ikinababahala ng dating presidente ng malaking business community sa Pilipinas ang mga kaso ng kidnapping sa mga kapwa niyang negosyante rito sa bansa.
Sa Pandesal Forum nitong Martes, Abril 8, ibinahagi ng dating presidente ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) na si Dr. Cecilio Pedro ang mga kaso ng kidnapping sa mga Chinese.